Pinaaapura sa Senado ang pag-apruba ng panukalang early voting para sa mga persons with disabilities (PWD).

Ayon kay House Deputy Speaker at Batangas Rep. Ralph Recto, hindi maitatanggi ang kahalagahan na maisabatas ang panukala upang mas madaling makaboto ang mga PWD.

“The merits of the bill are so evident that we cannot be blind to it,” sabi ni Recto.

Sinabi ni Recto na ang House Bill 7576, na inaprubahan ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa sa botong 295-0 noong Mayo 9 ay isang ‘assistive device’ na nagtatanggal sa ‘institutional barrier’ na pumipigil sa mga PWD na makaboto.

Kahit na milyon-milyon umano ang kanilang bilang, sinabi ni Recto na underrepresented ang mga PWD sa Kongreso.

“No sector is grossly unrepresented. The truly marginalized remain unseen and unheard of in policymaking bodies, from local councils to Congress,” sabi ni Recto.

Ang huling PWD na umupo sa Kamara ay ang namayapang mamamahayag na si Art Borjal na itinalagang sectoral representative ni Pangulong Corazon Aquino at nanungkulan hanggang noong Hunyo 1992.

Nanalo ang P3PWD party-list sa 2022 elections subalit pinigilan ng Korte Suprema ang pag-upo ng kinatawan nito na si dating Election Commissioner Rowena Guanzon.

“But my point is, they should have more seats. Sa dami ng party lists, yung pinaka-marginalized ang wala. And they are not just a sector. They are a nation. And if this bill will result in their issues getting discussed and more of them getting elected, then its impact would be felt beyond voting day,” dagdag pa ni Recto.

Ayon sa 2010 national census nasa 1.57% ng populasyon ang PWD o tinatayang 1.772 milyon.

Batay naman sa 2016 National Disability Prevalence Survey ang disability prevalence rate sa bansa ay 12% o aabot sa 13.5 milyon ng populasyon ng bansa. (Billy Begas)

The post Early voting sa PWD, pinamamadali pagpasa sa Senado first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT