Hinikayat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga Pilipino sa Amerika na tumulong para i-promote ang bansa, partikular ang turismo.

Sa kaniyang talumpati sa Filipino community sa Washington D.C., hiniling niya na tulungan ang gobyerno para maipakita ang ganda ng Pilipinas sa pamamagitan ng pag-imbita ng mga kaibigan o kamag-anak para bumisita sa bansa.

Mayroon aniyang programa ang gobyerno na “bring home a friend” na makakatulong para mai-promote ang turismo at hindi aniya mapapahiya kapag nakita ang magagandang lugar sa bansa.

“We should always be — continue to be partners in promoting our country.Halimbawa, mayroon tayong programa na ginagawa ngayon, “bring home a friend.” Pag umuwi kayo, magdala kayo ng isang kaibigan niyong Amerikano para makita naman nila dahil tinutulak po natin ang turismo sa Pilipinas, ” saad ng Pangulo.

Hinimok ng Presidente ang mga Pinoy sa Amerika na dalhin ang kanilang mga anak at apo sa Pilipinas para makita ng mga ito ang kultura at kasaysayan ng Pilipinas.

“So encourage your children, encourage your grandchildren to visit the Philippines. Let them see for themselves what the Philippines is about, what is our culture, what is our history. I’m sure the first and second and third generation Filipino-Americans are more than happy to learn about their proud Philippine ancestry,” dagdag ng Pangulo.

Batid ng Pangulo na marami sa mga Pilipino sa Amerika ay naging US citizen na kaya hinikayat din ang mga ito na magretiro sa Pilipinas at ipinagmalaking marami na ang mga pagbabago sa bansa hindi lamang sa mga imprastraktura kundi pati na rin sa mga serbisyo ng pamahalaan.

“It’s my hope that some of you will come home for good and retire in a much better Philippines — a Philippines with better airports, Philippines with better roads, better airports, better internet, better governance. ‘Yun ang aking pinapangarap. And that’s why that is what my administration is working for,” wika ng Pangulo. (Aileen Taliping)

The post Fil-Am sa Amerika hinimok na tumulong para i-promote ang ‘Pinas first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT