Hinamon ni Bicol Saro party-list Rep. Brian Raymund Yamsuan ang Governance Commission for Government-Owned and Controlled Corporations (GCG) na pangunahan ang maayos na pagsisilbi sa bayan upang sundan ng iba pang lingkod-bayan.

Ayon kay Yamsuan, ang mantra ng GCG na maging G.R.E.A.T., na nangangahulugang Good Governance, Rightsizing, Efficiency, Accountability and Transparency ay dapat mag-viral sa buong burukrasya at magsilbing inspirasyon ng mga empleyado ng gobyerno sa kanilang pagganap sa kanilang tungkulin.

“Commit to be G.R.E.A.T.—greater and better, not only for yourself, but for the Filipino people,” sabi ni Yamsuan sa mga opisyal at empleyado ng GCG.

Si Yamsuan ay inimbita ni GCG chairperson Justice (ret.) Alex Quiroz sa flag-raising ceremony ngayong Lunes, Mayo 2.

“Hindi lang ito trabaho, commitment ito. Commitment ninyo ito sa inyong sarili at sa taumbayan,” dagdag pa ni Yamsuan.

Ayon kay Yamsuan, ang trabaho ng GCG na bantayan ang operasyon ng nasa 118 GOCC ay “no easy task” subalit kumpiyansa umano ito sa pamumuno ni Quiroz na pangunahan ang mga empleyado na maging responsible, tumutugon at produktibong lingkod-bayan.

Isang certificate of appreciation ang ibinigay nina Quiroz at GCG Commissioner Gideon Mortel kay Yamsuan matapos ang inspirational remark nito. (Billy Begas)

The post Hamon ni Rep. Yamsuan sa GCG: Pangunahan maayos na magsisilbi sa bayan first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT