Hontiveros: Pag-absuwelto kay Napoles isang pagkakasala sa mga Pilipino

Dismayado si Senadora Risa Hontiveros sa pag-absuwelto ng Sandiganbayan First Division sa dating negosyanteng si Janet Lim Napoles sa 16 kaso ng graft kaugnay ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel scam.

Ayon kay Hontiveros, ang pagpapawalang-sala kay Napoles ay isang malaking mantsa sa lahat ng pagsisikap nating labanan ang korapsyon at maghanap ng pananagutan.

“Maituturing itong pagkakasala sa mamamayang Pilipino,” sabi ni Hontiveros sa isang statement.

“Sukdulang napalabnaw ang bigat at lalim ng pangungurakot na dinisenyo, isinagawa, at ipinamana ni Napoles sa iba pang kurakot na opisyal dahil hindi nakapagbigay ng sapat na ebidensya ang prosecution,” dagdag pa niya.

Subalit umaasa si Hontiveros na hindi ito magiging dahilan para panghinaan ng loob ang Senado at ang ibang mga mga tagapagpatupad ng batas na patuloy na siyasatin at ilantad ang iba’t iba pang modus ng katiwalian.

“Patuloy na naghihirap ang mga kababayan natin dahil sa pangungurakot. Hindi dapat hinahayaang nagpapakasasa ang mga tulad nilang sakim,” sambit pa niya. (Dindo Matining)

The post Hontiveros: Pag-absuwelto kay Napoles isang pagkakasala sa mga Pilipino first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT