Pinarerepaso ni Senadora Imee Marcos sa Department of Agriculture ang memorandum order na inilabas kamakailan na naglilimita sa klase ng fertilizer o abono na pwedeng magamit ng mga magsasaka.

Noong Abril 27, nilagdaan ang naturang Memorandum Order 32 (MO 32) na nagsusulong na ipamahagi na sa mga magsasaka sa buong bansa ang wala pang pangalan na biofertilizers kapalit ng inorganic urea.

Una nang idinulog ng mga magsasaka sa tanggapan ni Marcos ang nasabing usapin dahil sa pangambang mameligro ang produksyon ng palay sa nasabing proyekto ng gobyerno.

“May benepisyo nga ang biofertilizer sa lupa ngunit mapaparisan ba nito ang mga nakaraang lebel ng produksyon ng bigas?” tanong ni Marcos.

Sabi pa ng mambabatas, malaking banta rin ang El Niño phenomenon sa produksyon ng bigas lalo na’t meron pang mga inaasahang kabawasan sa supply ng tubig sa mga irigasyon mula sa Angat Dam.

“Kailangan munang masubukan ang biofertilizers kung talagang mapapababa nito ang gastusin at mapalago ang mga produksyon ng bigas,” paliwanag ni Marcos.

“Kailangang muling makwentang mabuti ang numerical data sa MO 32, para maging malapit sa katotohanan ang layunin ng paggamit ng biofertilizer sa rice production,” dagdag pa niya.

Binanggit ni Marcos na ang presyo ng P2,000 kada kilo ng urea sa MO 32 ay 33% hanggang 82% na mas mataas kaysa sa umiiral na presyo sa merkado na P1,100 hanggang P1,500 lamang.

Sa hiwalay namang dokumentong guidelines ng Department of Agriculture para sa mga supplier, ipinakikitang ang presyo ng P6,000 per five-gram pack ng microbial-based biofertilizer ay mas mahal pa kaysa urea.

Sa pagtaya naman ng mga aanihing palay, binanggit ni Marcos na ang di masigurong nilalaman na nitrogen sa mga biofertilizers ang dahilan kaya hindi ito maaasahan kaysa malinaw na 46-0-0 NPK (nitrogen-phosphorus-potassium) ratio ng urea na nakasanayan na ng mga magsasaka.

Ang mga DA regional field offices ang may awtorisasyon na desisyunan kung anong brand ng biofertilizer ang ipamamahagi sa mga magsasaka, na maaari aniyang maging bukas sa katiwalian o pagmulan ng korapsyon.

“Batid ng mga magsasaka kung ano ang mas magandang gamiting abono,” paliwanag ni Marcos. “Dapat panatilihin ng gobyerno ang sistemang pagbibigay ng mga cash voucher para sa mga subsidiya sa mga fertilizer.” (Dindo Matining)

The post Imee: Biofertilizer o urea? Hayaan ang mga magsasaka na pumili first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT