Nais ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada na ipakulong at patawan ng multa ng aabot sa P5 milyon ang mga cyber criminals na tina-target ang mga virtual o electronic wallet at iba pang plataporma na ginagamit para sa digital na serbisyong pinansyal.
Sa Senate Bill No. 2171, o ang panukalang Bank Accounts, Electronic Wallets, and Other Financial Accounts Regulation Act, nais ni Estrada na palakasin at bigyan ng kapangyarihan ang mga ahensya ng gobyerno at mga financial regulators para labanan ang mga cybercrime scheme at mabigyan ang mga consumers ng epektibong paraan para masolusyunan ang kanilang mga reklamo.
“Kung may kakayahan ang mga kinauukulan na matunton ang mga nasa likod ng mga hacking o unauthorized transactions, scamming at iba pang modus gamit ang internet o sa pamamagitan ng mobile banking, dapat may kaukulang parusa na pagkakakulong at mabigat na multa na kakaharapin sila,” sabi ni Estrada.
“At kung ayaw natin na mawalan ng kumpiyansya ang publiko sa mga digital transactions, dapat may kasiguraduhan na maibabalik ang mga perang pinaghirapan nila na nawalang parang bula,” dagdag niya.
Dahil sa nakapipinsalang epekto ng mga gawaing ito sa ekonomiya, nais ng batikang mambabatas na ideklara sa kaniyang panukalang batas ang pagkakasangkot sa malalaking krimen o ang paggamit ng mass mailer bilang isang economic sabotage at karumal-dumal na krimen, na may parusang habambuhay na pagkakakulong at multang mula P1 milyon hanggang P5 milyon.
Ang krimen ay ituturing na ginawa ng isang sindikato kung ito ay binubuo ng tatlo o higit pang tao na nagsabwatan, samantalang ang itinuturing na large scale ay ang pambibiktima sa tatlo o higit pang indibidwal o bilang isang grupo.
Sa kaniyang panukalang batas, nais din ni Estrada na ipagbawal ang mga money mule, social engineering schemes at mga gawain na nagtutulak sa pagsasagawa ng mga nabanggit na krimen.
Itinuturing na money mule ang paglilipat ng pera na iligal na nakuha mula sa e-wallet ng ibang tao o iba pang financial account, habang ang social engineering scheme tulad ng phishing ay panlilinlang sa pamamagitan ng pagkakamali sa security features o pagbibigay ng sensitibong impormasyon ng account holder.
Ang mga nahatulang guilty sa money mule ay papatawan ng pagkakakulong na prision correccional o multang nagkakahalaga ng P100,000 hanggang P200,000. Ang mga gumawa ng social engineering scheme ay paparusahan ng prision mayor o multang P200,000 hanggang P500,000, sabi ni Estrada.
Kung ang target o biktima ng social engineering scheme ay isang senior citizen noong nagawa o tinangka ang krimen, ang pinakamataas na parusa o habambuhay na pagkakakulong ang dapat ipataw, dagdag pa niya. (Dindo Matining)
The post Jinggoy: Mga hacker, cyber criminal patawan ng habambuhay na kulong, P5-M multa first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento