Pinawi ng isang eksperto ang takot ng publiko dahil sa tumataas na namang kaso ng COVID-19 sa bansa.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Infectious Diseases Expert Edsel Salvaña na hindi dapat matakot ng publiko sa pagdami na naman ng kaso ng COVID-19 bagkus ay gamitin ang naging karanasan at natutunan sa loob ng mahigit dalawang taong pandemya para maiwasan ang kontaminasyon sa nabanggit na virus.

Sinabi ni Salvaña na marami na ang bakunado laban sa COVID-19 at alam na ng mga Pilipino kung ano ang dapat gawin para makaiwas sa bagsik ng virus.

Dapat lamang aniya ay palaging magsuot ng face mask dahil malaking tulong ito para maproteksiyonan ang sarili laban sa COVID-19.

“Huwag na po tayong matatakot masyado sa COVID dahil as long as bakunado po tayo at ginagamit po natin iyong mask, alam na po natin kung anong kailangan nating gawin para mabuhay tayo nang ligtas laban sa COVID,” saad ni Salvaña.

Bagama’t nagdeklara na aniya ang World Health Organization (WHO) na hindi na public health emergency ang COVID-19, sinabi ng eksperto na hindi dapat magpabaya ang publiko at sa halip ay panatilihin ang pag-iingat.

Binigyang-diin ni Salvaña hindi pa nawawala ang COVID-19 subalit hindi na ito dahilan para patuloy na matakot.

Ang kailangan lamang aniya ay gamitin ang mga nalalaman sa pag-iwas sa virus upang manatiling ligtas habang bumabalik sa normal na mga nakagawian bago pa man dumating ang pandemya.

“Manatili po tayong nag-iingat sa ating kalusugan. At kung gusto po natin mapanatiling ligtas ang ating mga kababayan, ang ating mga pamilya ay gamitin po natin iyong nalalaman na natin kung paano puksain ang COVID at patuloy po natin itong gamitin,” dagdag ni Salvaña .

Batay sa record nitong May 7,2023, halos umabot na sa dalawang libo ang kaso ng COVID-19 at naitala ang 19.9% positivity rate sa buong bansa.

Sa Metro Manila ay naitala ang 22.7% positivity rate, habang sa lalawigan ng Rizal ay 38.8%, at Cavite na 35.3%. (Aileen Taliping)

The post Kahit tumataas ang COVID cases, huwag matakot! first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT