Wala pa umano sa kalahati ng kinakailangang Konsulta provider ang na-accredit ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).

Batay sa datos ng PhilHealth, sinabi ni AnaKalusugan party-list Rep. Ray Reyes na hanggang noong Marso 31, 2023 ay mayroon lamang itong 1,931 accredited na Konsulta provider malayo sa kinakailangang 5,014.

Sinabi ni Reyes na dapat ay bilisan ng PhilHealth na madagdagan ang mga accredited service providers nito para sa implementasyon ng kanilang Konsultasyong Sulit at Tama (Konsulta) package para sa mga miyembro ng PhilHealth.

“Napakahalaga po ng proyektong ito ng PhilHealth dahil sa pamamagitan nito mabibigyan natin ng serbisyo ang ating mga kababayan lalo na sa mga lugar na hindi madali ang access sa primary healthcare,” sabi ni Reyes, vice chairperson ng House Committee on Health.

Sa ilalim ng PhilHealth Circular 2020-0022, saklaw ng Konsulta Package ang mga individual-based health service kasama ang konsultasyon sa doktor, health screening at assessment, at mga piling diagnostic services at gamot.

Itinutulak ni Reyes sa Kamara ang panukala na mabigyan ng libreng medical check-up at blood sugar at cholesterol test ang lahat ng mga Pilipino. (Billy Begas)

The post Konsulta provider ng PhilHealth kapos – Anakalusugan Rep. Reyes first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT