Magtutuloy-tuloy ang kooperasyong panseguridad ng Pilipinas sa Amerika sa kabila ng tensyon sa Asia-Pacific Region partikular sa West Philippine Sea.

Ito ang inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaugnay sa kaniyang limang araw na official visit sa Washington D.C.

Sinabi ng Presidente na matagal ng kaalyado ng Pilipinas ang Amerika kaya magtutuloy-tuloy ito upang mas mapaigting ang seguridad ng bansa at suporta sa modernisasyon ng Hukbong sandatahan.

“Well, cooperation with the United States certainly is just something that we are building upon that has been going on for many, many, many decades. And we just keep going,” saad ng Pangulo.

Aminado si Pangulong Marcos Jr. na nag-aalala siya sa pagiging agresibo ng Chinese Coast Guard sa West Philippine Sea at hindi aniya binabalewala ang mga ganitong aksyon.

Sinabi ng Pangulo na ito ang mga mahalagang isyu na kaniyang haharapin pagbalik sa Pilipinas.

Naunang inihayag ng Presidente na wala siyang ibang hangad kundi ang kapayapaan sa Asia-Pacific region at hindi niya hahayaang magamit ang Pilipinas sa ano mang hakbang na makakapagdulot ng kaguluhan at karahasan.

Sa ginanap na bilateral meeting ng Presidente at ni US President Joe Biden nitong Lunes ay muling tiniyak ng mga ito na magtutulungan para sa freedom of navigation at overflight sa West Philippine Sea at igagalang ang soberanya at teritoryo ng mga bansa alinsunod sa international law. (Aileen Taliping)

The post Kooperasyon ng ‘Pinas, US magpapatuloy kahit may tensyon sa West Philippine Sea first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT