Magtatayo ng vaccine facility sa bansa ang kumpanyang gumawa ng Moderna vaccine.
Ito ang ipinaabot ng mga opisyal ng pharmaceutical at biotechnology company na Moderna kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ginanap na pulong sa Blair House Washington D.C. nitong Martes.
Sinabi ng mga opisyal ng Moderna sa Pangulo na interesado silang magtayo ng Shared Service Facility for Pharmacovigilanc para mabigyan ng trabaho at oportunidad ang mga health professional sa bansa.
Ayon kina Moderna Chief Commercial Officer Arpa Garay at Senior Vice President and General Manager Patrick Bergstedt, ang itatayong pasilidad sa Pilipinas ang magseserbisyo sa buong Asia Pacific Region.
“We are really excited to have selected the Philippines for the third one primarily because you know the capabilities exist. We have the talent that exists, and we know that the partnership will be one that can be beneficial for both Moderna and the Philippines,” sambit ni Garay.
Sinabi ng mga opisyal ng Moderna na maraming bansa ang nag-alok para sa kanilang third shared service subalit ang Pilipinas anila ang pinaka-angkop na lokasyon para itayo ang kanilang pasilidad sa Makati City o kaya ay sa Bonifacio Global City sa Taguig.
Ang Moderna ang kumpanyang gumawa at nag-manufacture ng bakuna laban sa COVID-19 na ginamit sa Pilipinas at sa iba’t ibang bansa noong kasagsagan ng COVID pandemic.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), sa sandaling maging operational ang pasilidad, inaasahang makapagbigay ito ng trabaho sa Filipino health professionals at magiging kauna-unahang investment ng Moderna sa Pilipinas at Asya.
Pinasalamatan ni Pangulong Marcos Jr. ang kumpanya dahil sa pagpili sa Pilipinas na aniya ay malaking bagay hindi lamang sa aspeto ng pagbibigay trabaho sa mga Pilipino kundi magiging malaking bentahe ito sa usapin ng kalusugan.
“The opportunity to build shared services in areas of interest, connecting with the scientific, academic opportunity with Moderna, the ministry of health is something that we’re very, very interested in. Those are the kind of skills that we need. With your experience in other countries, there are many lessons that we could learn that can be applied in the Philippines,” saad ng Pangulo.
Kabilang sa mga nakasama sa pulong ng Pangulo sa Moderna ay sina dating Pangulo at ngayon ay Senior Deputy Speaker Gloria Macapagal-Arroyo, Speaker Martin Romualdez, Trade and Industry Secretary Alfredo Pascual at Department of Finance Secretary Benjamin Diokno.
Ang iba pang kasama sa pulong ay sina Special Assistant to the President Secretary Antonio Ernesto Lagdameo Jr., Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez at DTI Undersecretary Ceferino Rodolfo. (Aileen Taliping)
The post Kumpanya ng Moderna vaccine magtatayo ng pasilidad sa Pilipinas first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento