Interesadong mamuhunan sa Pilipinas ang isang malaking kumpanya ng nuclear energy mula sa Amerika.

Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), nagpaabot ng kagustuhang magbukas ng pamumuhunan sa bansa ang NuScale Power Corporation mula sa Oregon, USA at planong maghanap ng magandang lokasyon sa Pilipinas para magbukas ng negosyo.

Ang NuScale ay kilala sa pag-develop ng maliliit na nuclear power system na nagseserbisyo ng ligtas, maaasahan, mura at malinis na enerhiya sa power consumers.

Mayroong proyekto ang nabanggit na kumpanya sa Utah, Romania, Indonesia at Poland at planong magbukas sa Pilipinas.

Bukas naman si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa plano ng NuScale na aniya ay makakatulong sa pangangailangan ng power supply sa bansa.

“We need everything. We just have to have everything and this new technology is something,” saad ng Pangulo.

Tinatayang nasa $6.5 -$7.5 billion na pamumuhunan ang maibibigay ng NuScale para sa 430 megawatts ng enerhiya sa bansa sa 2031. (Aileen Taliping)

The post Kumpanya ng nuclear energy sa Amerika interesadong mamuhunan sa bansa first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT