Tinatayang nasa mahigit 17,000 katao ang makikinabang sa Marawi Compensation Fund sa sandaling simulan na ang pagpa-file ng claim sa mga naging biktima at naapektuhan ng anim na buwang giyera sa Marawi City noong 2017.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Atty. Maisara Dandamun Latiph, Chairperson ng Marawi Compensation Board, iaanunsiyo nila sa mga susunod na araw kung kailan magsisimula ang pag-file ng claims sa Marawi Siege.
Kabilang aniya sa mga mababayaran sa ilalim ng Marawi Siege Compensation Act batay sa implementing rules and regulations (IRR) ay ang mga namatay, nawawala, pati na personal na mga ari-arian gaya ng mga alahas at nasirang mga kotse.
“Yung missing at sa mga namatay, ito pong missing during the May 23,2017 up to October 17, 2027 nung liberation ng Marawi, yung mga nawala or presumed na namatay for the time na may giyera ay kasama sa mababayaran ng Marawi Compensation Board,” ani Latiph.
Batay sa ibinigay na listahan ng Task Force Bangon Marawi, sinabi ni Latiph na nasa 17,800 ang na-profile na posibleng mag-claim at maaaring tumaas o bumaba ito depende sa mga magke-claim.
“Batay saTask Force Bangon Marawi record mayroong 17,800 na na-profile posiible claimants, maaaring tumaas o bumaba depende sa actual na magpa-file sa Board. sa istruktura, nasa 12,000 structures yung nasira,” dagdag ni Latiph.
Pinayuhan ng opisyal ang mga taga-Marawi na mag-antabay sa Facebook page ng Marawi Compensation Board sa mga magiging anunsiyo kung kailan sisimulan ang pagtanggap ng mga dokumento para sa kanilang claims. (Aileen Taliping)
The post Mahigit 17K katao mababayaran sa Marawi Compensation Fund first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento