Itinulak ni Davao City Rep. Paolo Duterte at dalawa pang kongresista ang panukala upang maging mandatory ang pagkakabit ng closed-circuit television (CCTV) camera sa mga negosyo upang mahadlangan ang paggawa ng krimen at makatulong sa imbestigasyon ng pulisya.

Sa ilalim ng House Bill 8068, na akda nina Duterte, Benguet Rep. Eric Yap, at ACT-CIS party-list Rep. Edvic Yap ang lahat ng establisyemento na mayroong mahigit 20 empleyado at ang laki ay hindi bababa sa 50 metro ay dapat magkabit ng CCTV.

Kung mas konti sa 20 empleyado at mas maliit sa 50 metro ang laki ng establisyemento pero kumikita ng P50,000 kada araw, magiging requirement din ang pagkakabit ng CCTV.

“We should use technology to our advantage to help keep our citizens safe. Installing CCTV cameras in strategic areas is an effective crime prevention measure, and can be a useful tool to help police investigators solve crime,” sabi ni Duterte.

Ang pagkakabit ng CCTV ay gagawing prerequisite sa pagkuha ng business permit at permit to operate ng commercial establishment.

“These business establishments shall ensure that their surveillance/CCTV cameras are turned on and recording for 24 hours each day and for seven days each week. They shall keep a deposit of video recordings from their surveillance/CCTV cameras for a period of not less than 60 days from the date of recording,” sabi pa ng solon.

Ang mga lalabag ay maaaring makulong ng hindi lalagpas sa anim na buwan at/o pagmumultahin ng hindi hihigit sa P10,000. (Billy Begas)

The post Mandatory paglalagay ng CCTV sa mga negosyo itinulak ni Rep. Duterte first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT