Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga bagong opisyal na nagtapos sa Philippine Military Academy (PMA) na maging handa laban sa anumang banta at panganib na dumating sa bansa.
Pinangunahan ng Pangulo nitong Linggo ng umaga ang PMA commencement exercises ng 310 miyembro ng PMA MADASIGON class of 2023 sa Fort Gregorio del Pilar, Baguio City kung saan inihayag nito na dapat palaging maging handa sa ano mang mga kaganapan sa kapaligiran.
Marami aniyang mga gumagambala at nangmamaliit sa kaayusan at katatagan ng bansa kaya mahalagang mahadlangan ang mga ito sa pamamagitan ng kahandaan ng bawat isa.
“Existing realities and the rapidly evolving security environment impel us to be always prepared for any and all threats that our country may face,” anang Pangulo.
Kabilang aniya sa mga balakid sa hinahangad na kapayapaan ng mga Pilipino ay ang mga gumagawa ng kriminalidad, insureksiyon at terorismo.
Tiniyak naman ni Pangulong Marcos Jr. sa mga bagong opisyal ng Hukbong Sandatahan na tuloy-tuloy ang pagsusulong ng modernisasyon sa pamamagitan ng pagbili ng military assets para mas mapahusay ang pagbabantay sa bansa at pagtiyak sa seguridad ng mamamayan.
“We are relentlessly pursuing the AFP modernization program through important military assets acquisitions and updates,” dagdag ng Pangulo.
Ibinalita rin ng Pangulo na masusing pinag-aaralan ng kanyang gobyerno kung paano mapahusay ang social protection sa lahat ng lahat ng military at uniformed personnel.
Tinukoy ni Pangulong Marcos Jr. ang nilagdaan nitong batas nitong nakalipas na linggo na nag-amyenda sa Republic Act 11709 na layuning palakasin ang propesyonalismo at merit system sa Armed Forces.
“You now join a modern and professional organization which is now more effective and formidable vehicle for public service and nation building and a continuing source of pride and self fulfillment for the individual personnel,” wika ng Pangulo.
Ito ang kauna-unahang pagdalo ni Pangulong Marcos Jr. sa PMA graduation bilang Commander-in-Chief kung saan mula sa 310 na mga bagong opisyal ay 158 sa mga ito ang mapupunta sa Philippine Army, 77 sa Philippine Navy at 75 sa Philippine Air Force. (Aileen Taliping)
The post Marcos sa mga bagong PMA graduate: Maghanda sa anumang banta sa bansa first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento