Walang plano si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na bawiin ang prangkisa ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) dahil sa maganda naman aniya ang performance nito.

Matatandaang ilang senador ang nagpahayag ng pagkabahala tungkol sa 40 porsiyentong bahagi ng NGCP na kinokontrol ng State Grid Corporation of China.

“Siguro that’s part of the discussion pero ang tinitingnan ko rin talaga ‘yung performance. Kung maganda ang kanilang performance, kung sumunod sila sa kontrata doon between the government and the grid corporation,” paliwanag ng Pangulo sa isang interview sa Ilocos Norte.

Malamig naman ang naging tugon ng Pangulo nang tanungin kung handa ang gobyerno na i-takeover ang NGCP.

Paliwanag ni Pangulong Marcos, “The problem is that we will have to replace the personnel who would operate and we still have to build… those transmission lines. ‘Yun ang kailangan nating abutin.

“However we handle the franchise problem… kunin ng gobyerno, bigay natin sa ibang korporasyon, whatever it is, but the delay that would be caused… kung basta tanggalin natin ang prangkisa, sino ang magpapatakbo?” pahayag pa niya.

“That is something we have started to look at and to attend to. It is really the performance, bakit nagkakaroon [ng power interruption],” patuloy pa niya.

Binanggit din ng punong ehekutibo ang partnership sa pagitan ng NGCP at ng National Intelligence Coordinating Agency, kung saan sinusubaybayan ng huli ang kaligtasan at seguridad ng transmission assets.

Nauna nang sinabi ng Palasyo na handa ang gobyerno na “bawiin” ang kontrol sa NGCP kung mapapatunayang may kakulangan sa mga operasyon nito, at kung mapapatunayang banta sa pambansang seguridad ang stake na pag-aari ng isang kumpanyang pinatatakbo ng China.

The post Marcos walang balak ibasura prangkisa ng NGCP first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT