Dapat umanong paigtingin ng gobyerno ang pangangalaga sa mga buntis upang mabawasan ang bilang ng mga namamatay sa panganganak.

Ikinabahala ni AnaKalusugan party-list Rep. Ray Reyes ang ulat ng United Nations Population Fund (UNFPA) Philippines na anim hanggang pito ang namamatay sa panganganak sa bansa araw-araw.

“Kailangang maglaan pa tayo ng mas maraming resources para masigurong may sapat at madaling access sa health services ang mga kababaihan sa kanilang pagdadalang-tao at panganganak,” sabi ni Reyes.

Ayon sa UNFPA, maraming buntis ang namamatay dahil sa kawalan, hirap na makuha, mahal na presyo at hindi magandang kalidad ng serbisyo para sa mga buntis at nanganganak.

Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), 2,478 ang namatay sanhi ng pagbubuntis o panganganak noong 2021, mas mataas kumpara sa 1,458 na naitala noong 2019.

Sinabi rin ng UNFPA na 14% ng mga buntis ay hindi regular na nakakapagpa-check up at nakakakuha ng regular na atensyong medikal sa panahon ng kanilang pagbubuntis at isa lamang sa bawat 10 buntis ang nanganganak sa health facility.

“We have to prioritize public health and help our people cope with the costs that health services entail,” giit ni Reyes. (Billy Begas)

The post Namatay sa panganganak dumami: Pangangalaga sa mga buntis paigtingin first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT