Natukoy na ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang nasa likod ng bomb threat sa National Privacy Commission (NPC) na nagresulta sa pagkasuspinde ng trabaho at operasyon ng ahensya noong Biyernes, May 12,2023.
Ayon kay DICT Undersecretary Alexander Ramos, lumabas sa imbestigasyon ng Cyber Crime Investigation and Coordination Center na natukoy na nila ang taong nasa likod ng pananakot na may nakatanim umanong bomba sa tanggapan ng NPC sa Philippine International Convention Center (PICC) complex.
Sinabi ni Ramos na ipinasa na nila sa mga awtoridad ang aksyon para hanapin ang taong nag-post ng bomb threat sa mismong Facebook page ng NPC.
“Na-locate na namin kung sinong gumawa non. Pinasa namin sa field operation para hanapin itong taong ito,” saad ni Ramos.
Ang bomb threat ay ipinost mismo ng suspect sa Facebook page ng NPC na naging dahilan para ialerto sa security ng PICC.
Ayon sa opisyal, hindi taga-Metro Manila ang nanakot ng bomb threat at tinatrabaho na ito ngayon ng mga awtoridad para mapanagot.
Sinabi ni Ramos na hindi nila matukoy kung galit o kung ano ang motibo ng suspect kaya malalaman ito sa sandaling maaresto ng mga pulis.
“Yung profile ng tao, wala sa Manila, nasa labas ng Metro Manila. Malalaman natin the moment na makuha yung tao,” dagdag ni Ramos. (Aileen Taliping)
The post Nasa likod ng bomb threat sa NPC, tukoy na ng DICT first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento