Ikinulong sa detention cell ng Senado si Captain Jonathan Sosongco ng Philippine National Police-Drug Enforcement Group (PNP-DEG) matapos siyang i-cite in contempt ng Senate committee on public order and dangerous drugs.

Ito’y matapos mapikon si Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa, chairman ng komite, dahil tila pinaikot-ikot umano sila sa mga sa sagot ni Sosongco habang dinidinig ang kontrobersyal na pagkakakumpiska noong Oktubre 2022 sa P6.7 bilyong halaga ng 990 kilong shabu na nasa pag-iingat ni Master Sgt. Rodolfo Mayo Jr.

“Sobra na ‘tong ginagawang panlokoko sa atin dito. Nasayang lang ang oras natin dito,” deklara ni Dela Rosa, matapos maghain si Senador Robin Padilla ng mosyon pa i-cite in contempt si Sosongco.

Sa naturang pagdinig, sinabi ni Sosongco na hawak umano ang ‘informant’ pero nang busisiin ni Dela Rosa kung nasaan ang sinasabing informant at kung talagang hawak niya, sinabi ng opisyal na sa pamamagitan lang ng tawag sila nagkakausap nito.

“Sino tumatawag sayo? Sino yung informant. Huwag mo akong lokohin, babatuhin kita ng mikropono na ito ha, huwag mo akong lokohin,” naiinis na sabi ni Dela Rosa.

“Tawag-tawag lang po. iyong informant. Hindi ko kilalala talaga iyong informant,” sagot naman ni Sosongco sa tanong ng senador. Sinabi pa nitong pinagkakatiwalaan lang niya ang informant dahil ito ay galing sa PNP-Intelligence and Foreign Liaison Division (IFLD).

Itinuro naman ni Sosongco si Staff Master Sgt. Jerrywin Rebosora na siya namang nagbigay sa kaniya ng numero ng informant na kaniyang nakakausap sa cellphone.

Subalit pinabulaanan ito ni Rebosora at iginiit na wala siyang ibinibigay na number ng informant kay Sosongco.

Hiningi naman ni Dela Rosa kay Sosongco ang contact number ng kaniyang informant pero hindi ito maibigay ng pulis dahil wala na ang number dahil iba na ang hawak niyang cellphone na gamit sa trabaho.

Nang mahalatang patuloy ang pagsisinungaling ni Sosongco, agad na sinabihan ni Dela Rosa si Senador Robin Padilla na maghain ng mosyon para i-cite in contempt ng opisyal.

Samantala, personal na humarap sa pagdinig ng Senado si Mayo Jr., ang pulis na nakumpiskahan ng 990 kilos ng iligal na droga noong nakaraang taon.

Mariin niyang pinabulaanan ang bintang na siya ang bagman ng ibang mga police officers na sabit sa iligal na droga pero hindi na ito sumagot sa iba pang katanungan kaugnay sa isyu. (Dindo Matining)

The post Opisyal ng PNP na tumangging pangalanan ang informant sa drug ops, pinakulong ni Bato sa Senado first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT