Pinayuhan ng isang eksperto ang publiko na panatilihin pa rin ang mga pag-iingat at paggamit ng face mask kahit pa idineklara ng World Health Organization (WHO) na hindi na “public health emergency of international concern” ang COVID-19.
Sa Laging Handa public briefing, ipinaliwanag ni Infectious Diseases Expert Edsel Salvaña na hindi ang COVID-19 ang nawala na kundi ang epekto ng virus sa mga tao dahil mas kontrolado na at alam na ng mga tao ang gagawin kapag nakakaranas ng mga sintomas ng COVID-19.
Hindi na aniya kasing-lala ang epekto ng COVID-19 sa ngayon kumpara noong wala pang bakunang panlaban sa virus na kailangan pang mag-lockdown at huwag lumabas ng bahay.
“Ang dineclare nila hindi yung pandemya, ang sinabi nila yung “public health emergency of international concern”. Sinasabi ng WHO na yung naging impact ng COVID sa araw araw ngayon ay mas kontrolado hindi na siya katindi nung wala pa tayong bakuna at sa tingin natin nape-predict na natin kung ano ang nangyayari natin. Hindi na siya kasing-lala o kasing-delikado compared doon sa bago tayo nakapagbakuna ng mas maraming tao,” saad ni Salvaña.
Binigyang-diin ng eksperto na hindi pa rin nawawala ang COVID-19 at maaaring tumaas pa rin ang mga kaso pero dahil mayroon ng bakuna at lunas ay natuto na ang mga tao at hindi na natatakot, bagkus ay naaagapan na ang kontaminasyon.
“Yun ang sinasabi ng WHO, hindi nila sinasabing tapos na ang pandemya, tapos na ang COVID. Nandiyan pa yan pero natuto na tayong mabuhay ng malaya.So yun ang ibig sabihin nun, na ang COVID ay isa ng endemic na sakit na kaya nating i-prevent with our vaccine, with our mask,kaya nating gamutin at puwede nating gawin ang mga ginagawa natin ng hindi natatakot,” dagdag ni Salvaña.
Pinayuhan ng eksperto ang publiko na huwag masyadong matakot sa COVID lalo na kung bakunado naman ang mga ito at panatilihin ang paggamit ng face mask para makakilos ng malaya at mabuhay ng ligtas. (Aileen Taliping)
The post Paggamit ng face mask, pagsunod sa pag-iingat sundin rin! – Eksperto first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento