Inaprubahan ng House Committee on Poverty Alleviation ang panukala na naglalayong gawing libre o mabigyan ng discount sa palibing, burol at iba pang funeral service ang mga namatayang mahihirap na pamilya.
Sa ilalim ng panukalang Funeral Assistance for Indigent and Extremely Poor Families Act, magiging libre ang funeral service para sa mga extremely poor families.
Kung hindi naman pasok sa kategoryang ito, ang isang nasawi na nasa ilalim ng poverty threshold ay bibigyan ng 50% diskwento.
Ang degree ng pagiging mahirap ay ibabatay sa pagtataya ng Philippine Statistics Authority alinsunod sa Community-Based Monitoring System law (Republic Act 11315).
Ayon kay Tutok to Win party-list Rep. Sam Verzosa, chairperson ng technical working group na bumalangkas ng panukala, “bukod sa lungkot na mawalan ng mahal sa buhay, may dagdag-bigat pa na pasanin dahil sa mga gastusin ng burol at libing.”
Batay sa datos ng PSA, may naitalang 613,936 na namatay sa bansa noong 2020 o katumbas na 1,677 kada araw o 70 kada oras.
Ayon din sa PSA, noong 2021 ay 18.1% ng mga Pilipino ang mahirap o kumikita ng hindi hihigit sa P12,030 kada buwan.
Sa ilalim ng panukala, ang mga mahihirap ay maaaring mamili sa apat na package: Standard burial package, Standard cremation package, Standard customary package for indigenous people at Standard customary practice of Muslim Filipinos.
Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang magbabayad sa purenarya na magbibigay ng serbisyo sa mga mahihirap.
“Alam natin na limitado lamang ang budget ng gobyerno ngunit isa po dapat ito sa mga priority sa pagtulong sa ating mga kababayan. Kapag namatayan ang isang pamilya talagang malaking dagok ito emotionally and financially, kaya dapat talaga manguna ang gobyerno para tulungan ang mga mahihirap na pamilya,” sabi ni Versoza. (Billy Begas)
The post Panukalang libreng burol, libing sa mahihirap umusad sa Kamara first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento