Mas paiigtingin pa ng Pilipinas at Vietnam ang strategic partnership at kooperasyon sa larangan ng negosyo at pamunuhunan, turismo, agrikultura at depensang panseguridad.

Ito ang napagkasunduan sa bilateral meeting nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Vietnamese Prime Minister Pham Minh Chinh sa sidelines ng 42nd Association of Southeast Asian (ASEAN) summit sa Indonesia nitong Miyerkoles.

Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), kinilala ng Pangulo ang dumaraming kalakalan sa pagitan ng dalawang bansa lalo na sa mga produktong agrikultura na malaking bagay sa food supply ng Pilipinas.

Sinabi ni Pangulong Marcos Jr. na panahon na para mas paigtingin pa ang partnership lalo na ang palitan ng teknolohiya patungkol sa climate change at sa mga turismo.

“So I think that is an important area for us to develop strong relations. Because that is the way that we will derive strength from each other, from.ASEAN ,from our member states, from also our agreements that we make between the two countries,” saad ng Pangulo.

Nangako naman si Prime Minister Pham na makipagtulungan sa promosyon ng kalakalan ng iba’t ibang supply chains at kalakal para sa dalawang bansa basta matiyak ang pangmatagalang strategic cooperation.

“If you can ensure a long term strategic cooperation in the provision of such goods both and ensure stability both in terms of the goods themselves and have their price, that would help us to be better resilient to external shocks in the years to come,” saad ni Pham.

Kasabay nito, hiniling ng Vietnamese Prime Minister kay Pangulong Marcos Jr. ang suporta ng Pilipinas sa kandidatura ng Vietnam sa United Nations Human Rights Council pati na ang hangaring maging pangulo ng 91st session ng UN General Assembly, at UN Commission of International Trade. (Aileen Taliping)

The post Partnership ng ‘Pinas, Vietnam mas paiigtingin first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT