Humirit si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay Indonesian President Joko Widodo na muling pag-aralan ang kaso ng Filipina death convict na si Mary Jane Veloso.

Sinabi ng Pangulo na habang naglalakad sila ni President Widodo sa sidelines ng isa sa mga pulong sa ginanap na 42nd Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) summit sa Indonesia ay binanggit nito ang tungkol kay Veloso.

Pero walang nakuhang positibong tugon ang Presidente mula kay Widodo dahil ang batas sa kanila ay dapat ipatupad.

“Habang naglalakad kami I was able to say something we’re still trying to work hard on that case. And ganon din ang sagot niya – well you know, ang ano diyan is yung batas talaga sa amin ay ganito,” saad ng Pangulo.

Hindi aniya nila napag-usapang mabuti ang kaso ng Pinay death convict dahil masyadong abala si Widodo bilang Chairman ng ASEAN.

Ang magagawa na lamang aniya ng gobyerno ay igiit sa Indonesian authorities na muling i-eksamin ang kaso ni Veloso.

“So sabi ko, the best we can do I suppose is for the Indonesian authorities to reexamine the case para naman as a favor to the Philippines. Yan lang ang napag-usapan namin. Not much more than that,” dagdag ng Pangulo.

Matatandaang si Veloso ay hinatulan ng parusang kamatayan sa korte sa Indonesia matapos maaresto sa Yogyokarta airport noong 2020 dahil sa pagdadala ng mahigit 2.6 na kilo ng heroin.

Marami ng ginawang hakbang ang gobyerno para mailigtas si Veloso sa parusang kamatayan subalit hindi napagbigyan dahil matigas ang batas sa Indonesia.

Ang tanging nagawa ng pamahalaan ay maipagpaliban ang implementasyon ng sentensya ni Veloso. (Aileen Taliping)

The post PBBM hiniling kay President Widodo na pag-aralan ang kaso ni Mary Jane Veloso first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT