Pinayuhan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Congressman Arnolfo Teves Jr. na bumalik na sa Pilipinas at harapin ang mga akusasyon sa pagkamatay ni Negros Oriental Governor Roel Degamo at iba pang sibilyan.
Sa panayam ng media sa Pangulo habang pauwi sa Pilipinas nitong Huwebes, sinabi nitong mas mabuting bumalik sa bansa si Teves para sagutin ang mga akusasyon laban sa kaniya sa halip na magtago at maghanap ng bansang masusulingan.
“Come home. That’s the best advice I can give him. Come home,” saad ng Pangulo.
Mismong si Prime Minister Taur Matan Ruak ng Timor Leste ang nagsabi sa kaniya na humihiling ng asylum si Teves sa kaniyang bansa subalit hindi pinagbigyan.
Nagpasalamat si Pangulong Marcos sa gobyerno ng Timor Leste sa mabilis na pag-aksyon at pagbasura sa hirit na political asylum ni Teves.
Sa ganitong paraan aniya ay mas madali ng maiuwi ng mga awtoridad si Teves pabalik sa Pilipinas.
“It turns out that Congressman Teves applied for political asylum but was denied. May appeal process para sa mga na-deny. So we’ll just wait for the process to complete,” dagdag ng Pangulo.
Mayroong limang araw si Teves para umalis sa Timor Leste.
Matatandaang palipat-lipat ng bansa si Teves matapos iturong mastermind sa pagkamatay ni Degamo noong March 4, 2023. (Aileen Taliping)
The post PBBM kay Teves: Umuwi ka na sa ‘Pinas! first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento