Aabutin umano ng halos dalawang dekada bago mabigyan ng Philippine National Police (PNP) ng body-worn camera ang lahat ng pulis sa ilalim ng kasalukuyang ginagawa nito.

Kaya umapela si Bicol Saro party-list Rep. Brian Raymund Yamsuan sa PNP na bilisan ang procurement process nito.

Sa pagdinig ng House Committee on Public Order and Safety, sinabi ng PNP na bibili ito ng 2,000 unit ng body cam sa susunod na taon. Halos 43,000 ang kulang na bodycam.

“Pag inisip natin, 20 years pa bago tayo ma-fill ang backlog,” sabi ni Yamsuan, isang dating Assistant Secretary ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Tinatalakay ng komite ang panukalang batas na magmamando sa pagsusuot ng body cam ng mga pulis sa kanilang mga operasyon.

“Napakaimportante ‘nyan ngayon especially, hindi lang para sa naging biktima, biktima rin ang pulis eh, ‘Pag kayo nakasuhan, inakusahan ng mali, kailangan proteksyunan ‘nyo rin sarili ‘nyo,” sabi ni Yamsuan.

Pinayuhan ni Yamsuan ang PNP na pag-aralan kung papaano mapapabilis ang pagbili nito ng mga bodycam.

“You should think about yourselves and enhancing the capability of your agency,” dagdag pa ni Yamsuan.

Ayon kay PNP Directorate for Logistics Deputy Director Flynn Dongbo, ang PNP sa kasalukuyan ay mayroong 2,696 unit ng body cam na binili noong 2021.

Nanawagan din si Yamsuan na palakasin ang National Management and Monitoring Center, na nagsisilbing unified data hub ng body cam system.

Noong 2021, naglabas ng resolusyon ang Korte Suprema na nagmamando sa mga pulis na gumamit ng body cam sa pagsisilbi ng search at arrest warrant. (Billy Begas)

The post PNP aabutin ng 2 dekada para mabigyan lahat ng pulis ng body cam first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT