Nababahala si Senadora Grace Poe sa epekto sa negosyo at turismo sa isla Panay at Negros kabilang ang lalawigan ng Iloilo dahil sa walang patid na power outages doon.

“Talagang nakakagalit at nakakalungkot itong nangyayari,” sabi ni Poe, chairperson ng Senate committee on public services.

“Sa panahong ito, pa’no mabubuhay ang turismo at negosyo sa Iloilo at Panay Island kung patay-sindi ang kuryente?” saad pa niya.

Ayon sa senadora, nakakatanggap siya ng mga reklamo mula iba’t ibang grupo at resident ng lalawigan kaugnay ng brownout na nagdulot ng pagkabalisa at paggambala sa mga negosyo at tauhan sa nasabing mga lalawigan.

Sa nagdaang anim na buwan, ang nabubulabog ang mga lalawigan sa Panay at Negros sa unannounced power interruption o blackout na tumatagal pa ng halos buong araw.

“Napakainit ngayon para mawalan ng kuryente at saka ang Iloilo pa naman napakaganda ng improvements. Marami nang pumupunta dyan na mga turista,” pahayag ni Poe.

“Hindi naman pwede na ganyan ang serbisyo ng kuryente. Nakakaapekto rin ito sa mga estudyante dahil mahirap mag-aral kung para kang nasa loob ng pugon. Sa ating mga magsasaka naman, pa’no aandar ang mga mekanismo nila sa bukid kung walang kuryente? Malaking perwisyo talaga ito,” sambit pa niya.

Sabi pa ni Poe, nakatanggap din siya ng mga ulat na isang matanda na may hika ang inatake dahil sa sobrang init subalit hinid makakakuha ng benepisyo mula sa PhilHealth dahil hindi updated ang kaniyang record.

Aniya, dapat maayos ang naturang isyu nang sa gayon ay payagan ang mga miyembro na makakuha ng serbisyo mula sa gobyerno.

Nauna nang naghain si Poe ng Senate Resolution No. 579 para siyasatin ang power outages sa Panay Island at solusyon ang matagal nang problema sa kakulangan ng suplay ng kuryente doon.

Sabi ni Poe, kailangan alamin ang ugat ng grid disturbances na inulat ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na di umano’y dahil sa tripping ng distribution utilities (DUs). Itinuro naman ng DUs ang NGCP na siyang ugat ng problema.

“Maraming isyu ang NGCP. Hindi lamang ang kanilang serbisyo kundi pati pagmamay-ari at pamamalakad niyan. Kailangan ayusin ‘yan ng NGCP,” sabi pa ni Poe. (Dindo Matining)

https://youtu.be/wLsZupQ_rA0
See Related Story Here:

Poe: Brownout sa Panay siyasatin, bigyan ng solusyon

The post Poe: Ekonomiya apektado sa malawakang brownout sa Visayas first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT