Nakipagkita si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at kaniyang delegasyon sa mga miyembro ng United States Senate sa Capitol Hill, Washington D.C. bilang bahagi ng kaniyang ilang araw na official visit sa Estados Unidos.

Ayon sa Presidential Communications Office, malawak ang naging talakayan na nasentro sa usapin sa seguridad, defense, agrikultura, climate change mitigation, economic cooperation at cyber security.

Sa ginanap na pulong, binigyang-diin ng Pangulo na nananatiling pundasyon sa relasyong bilateral ng Pilipinas at Amerika ang ugnayan sa depensa at seguridad.

Pinuri din ni Pangulong Marcos ang kahandaan ng Amerika na makipagtulungan sa Pilipinas bilang pantay at independent partner.

Ipinabatid din ng Presidente sa ginanap na pulong sa US Senators ang kagustuhang mas paigtingin pa ang kooperasyon sa aspeto ng supply chain, kalusugang panseguridad, kalikasan, energy security at interconnectivity.

Pinasalamatan ni Pangulong Marcos Jr. sina Senator Robert Menendrez, Chairman ng Senate Foreign Relations Committee, Senator James Risch at iba pang miyembro komite sa produktibong diskusyon sa RP-US relations.

Kabilang sa mga kasama ng Pangulo sa pulong ay sina House Speaker Martin Romualdez, Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo, Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez, Finance Secretary Benjamin Diokno, Justice Secretary Crispin Remulla at Trade Secretary Alfredo Pascual. (Aileen Taliping)

The post Pulong ni PBBM sa US Senate nasentro sa isyu sa seguridad, depensa, agrikultura, climate change first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT