Itinulak ni Davao City Rep. Paolo Duterte ang agarang pag-apruba sa panukala na magbibigay ng retirement, healthcare at death benefit sa mga professional Filipino athlete na nagkampeon sa international sports competition.

Inihain nina Duterte, Benguet Rep. Eric Yap at ACT-CIS party-list Rep. Edvic Yap ang panukalang Professional Filipino Athletes Retirement, Health Care and Death Benefits Act (House Bill 5161) bilang pagkilala umano sa tagumpay at karangalang dinala ng mga atleta sa bansa.

Sa ilalim ng panukala, ang mga nagkampeon sa international competition ay bibigyan ng hindi bababa sa P15,000 buwanang pensyon pagsapit ng edad na 50. Kung sa team event nagkampeon, ang pensyon ay P10,000.

“Before all their triumphs, athletes go through extreme lengths and dedicate most of their years in training to be the best at what they do. They train under high expectations and high-intensity environments, which make them more vulnerable to exhaustion, burnout, physical injuries and psychological distress,” sabi ng mga may-akda sa explanatory note ng panukala.

Ang mga nagkampeong atleta ay bibigyan din ng benepisyo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth). Kung ang gastos sa panggagamot ay lagpas sa benepisyong kaloob ng PhilHealth, ang nalalabing babayaran ay sasagutin ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa ilalim ng Individual Medical Assistance Program (IMAP) nito.

Ang mga kuwalipikadong atleta ay mayroon ding P50,000 death benefit assistance.

Sa ilalim ng panukala ay itatayo rin ang Professional Filipino Athletes Welfare Development Trust Fund na pangangasiwaan ng Games and Amusements Board (GAB).

Ang trust fund ay gagamitin upang itaas ang kalidad ng mga sports training facilities at makasunod sa international standards.

Naging inspirasyon sa pagbuo ng panukala ang nangyari sa Filipino sports icon na si Lydia de Vega-Mercado na pumanaw noong Agosto 10, 2022 matapos ang pakikipaglaban sa kanser. Humingi ng dasal at tulong ang kaniyang pamilya upang matugunan ang kaniyang pangangailangang medikal. (Billy Begas)

The post Rep. Duterte itinulak retirement pension, iba pang benepisyo sa mga Pinoy champ first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT