Binigyang-diin ni Senador Ramon Bong Revilla Jr. ang kahalagahang maisabatas ang dagdag-sahod na magpapagaan sa kakarampot na kinikita ng mga manggagawa upang makasabay sa bilis nang pagtaas ng mga pangunahing bilihin.

Dahil sa hindi mapigilang pagtaas ng mga pangunahing bilihin, kabilang na ang produktong petrolyo, napapanahon na umano na muling himayin ang kasalukuyang polisiya upang masigurong matutulungan ang mga manggagawa.

Tinalakay ng Committee on Labor, Employment and Human Resources Development ang isinumiteng Senate Bill No. 2018 ni Revilla na naglalayong magbigay ng across-the-board P150 dagdag-sahod sa lahat ng manggagawa ng pribadong sektor anumang rehiyon o sektor sila nagmula.

“Noon pa man ay walang mintis ko nang inihahain ang panukalang nagtatakda ng legislated wage increase. Pinakinggan po natin ang hinaing ng ating mga kababayang nagkakandakuba-kuba na sa hirap ng trabaho, sa hiling nilang matumbasan ng tama at sapat ang tapat at maayos na serbisyong handog nila,” paliwanag pa ni Revilla.

Si Revilla ay kilala na hindi natitinag sa kaniyang posisyon dahil sa palagi nitong pagsusumite ng mga panukala hinggil sa pagtataas ng sahod ng mga manggagawa kahit noong panahon pa ng 14th, 15th, 16th, 18th at ngayong 19th Congress.

“Everyone is feeling the brunt of these hard times. Maging sa nayon man o siyudad, mga nagtatrabaho sa bukid, sa pabrika at kahit ang mga nag-oopisina ay ramdam ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Panahon na para ipasa ang isang makatarungang across-the-board wage increase para sa kanilang lahat,” saad pa ni Revilla. (Dindo Matining)

The post Revilla: Panahon na para ipasa ang P150 dagdag-sahod first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT