Pinuna ni Senador Raffy Tulfo ang walang patid na pagtaas sa presyo ng kuryente sa bansa kahit kahit bumaba na ang presyo ng coal sa lahat ng global price index.
Ayon sa senador, kumpara sa ibang bansa sa Asya, ang Pilipinas ang isa sa may pinakamataas na presyo ng kuryente kahit na isa lang ang pinagbabasehan ng presyo ng pag-angkat ng coal, ang Indonesian Coal Index at New Castle Index.
Nitong Lunes, Mayo 1, kinausap ni Tulfo ang Energy Regulatory Commission (ERC) at Department of Energy (DOE) para sitahin kung bakit dekada na nilang hinahayaang magpatuloy ang mapang-abusong sistemang ito.
“Kaya sobrang mahal ng kuryente sa Pilipinas ay dahil matagal na pala tayong piniprito sa sarili nating mantika ng mga gahamang energy generation company,” sabi ng mambabatas.
“Kahit mura ang pagkabili ng suplay nila ng coal, sky is the limit sila kung tumaga para sa kita. Imoral na ang kanilang pagpatong ng tubo sa binibili nilang coal. Panahon na para pang-himasukan ng gobyerno ang iskandalosong sistemang pagnenegosyo ng mga kumpanyang ito,” dagdag nia.
Sabi ni Tulfo, isa sa mga dahilan kung bakit maraming mga foreign investor ang nag-aalangan magtayo ng kanilang negosyo sa bansa ay dahil sa mahal na singil sa kuryente kaya’t mas pinipili nilang magpunta sa ibang lugar tulad ng Malaysia at Vietnam sapagkat malayong mas mura ang singil ng kuryente doon.
Aniya, araw-araw, ang malalaking genco na nagsusuplay ng karamihang kuryente sa Pilipinas ay kumikita ng daan-daang milyon. Kapag isasama pa ang bawat planta nila, kumikita na ang mga ito ng bilyones kada araw, saad ng senador.
Sinang-ayunan naman ni ERC Chairperson Monalisa Dimalanta ang nadiskubre ng senador.
Sa katunayan, sumulat na raw sila sa mga kumpanyang ito para ipaliwanag ang basehan ng pagpresyo ng kanilang kuryente. Isa nga raw dito ang sumagot na confidential ang impormasyong hinihingi ng ERC.
Doon na napikon si Tulfo at tinanong si Dimalanta kung ano ang kaniyang naging tugon. Sagot naman ng opisyal, nagpadala na raw sila ng show cause order para i-obliga ang mga genco na ito na mag-comply ngunit hanggang ngayon ay wala pa kahit isa sa kanila ang sumusunod at patuloy pa rin daw na nagmamatigas. (Dindo Matining)
The post Tulfo: Mga GenCos masyadong gahaman first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento