Ikinaiinis ni Senador Raffy Tulfo ang aniya’y bungal na batas sa labor sapagkat hindi ito kinatatakutan ng mga tiwaling employer dahil kulang sa implementasyon.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Labor noong Miyerkoles, iminungkahi ni Tulfo na patawan agad-agad ng parusa ang isang employer na hindi compliant sa minimum wage law at ‘di nagbibigay ng tamang benepisyo sa oras na makapagpakita ng matibay na ebidensya ang isang manggagawa laban sa kanila.
“Dapat one-strike policy ang pairalin laban sa mga isinusumbong na mga tiwaling employer sa DOLE. Kapag may iprinisentang matibay na ebidensya ang manggagawa laban sa kanyang amo na hindi nagbibigay ng tamang pasweldo at benepisyo, kailangan agad-agad patawan ng parusa si amo at obligahin na magbayad. Ito na ang dapat na bagong patakaran. Wala nang marami pang satsat!” sabi ni Tulfo.
Maliban sa parusa gaya ng mataas na multa sinabi ni Tulfo na kailangan din bayaran agad ng employer na inirereklamo ang kaniyang manggagawa na “wala ng marami pang satsat.”
Sa kasalukuyang patakaran, kapag sinumbong ng tauhan sa DOLE ang kaniyang amo, maraming proseso ang dadaanan kahit pa nakapagpakita na ng mga matitibay na ebidensya ang manggagawa bilang patunay na lehitimo ang kanyang sumbong.
Mag-uumpisa ang DOLE sa pagpapadala ng sulat sa inirereklamong amo para humingi ng paliwanag at kapag hindi tumugon, bibigyan pa ito ng ilang pagkakaton para sumagot.
At ang prosesong ito ay napagsasamantalahan ng mga abusadong amo dahil para sa kanila, ito’y isang paraan upang magkaroon ng delay ang pagkamit ng manggagawa ng hustisya.
Dagdag pa rito ay ang nakasaad na patakaran na kailangang dumaan sa mediation ang sumbong ng manggagawa na pwedeng umabot hanggang sa tatlong hearing. Sa huli, pabor na naman ito sa mga abusadong amo.
At kapag hindi pa talaga nagkasundo sa mediation, ipapasa naman ng DOLE ang sumbong sa NLRC kung saan madudurog na ang manggagawa sa gastos dahil magpapabalik-balik na siya sa NLRC. Kapag siya’y minalas-malas, aabutin pa ng deka-dekada ang kaso hanggang sa maresolba.
Sa bagong sistemang gustong mangyari ni Tulfo, na Vice Chairperson ng Committee on Labor, tatanggalin na ang pagkahaba-habang anti-poor na prosesong ito at babaguhin ang Rules of Procedure sa DOLE. (Dindo Matining)
The post Tulfo: One-strike policy ipatupad vs abusadong employers first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento