Malugod na ibinahagi ni Undersecretary Janella Ejercito Estrada ng National Authority for Child Care (NACC) ang paglagad ng Implementing Rules and Regulations ng R.A. 11930 o ang Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) at Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act.
“Ilang taon din tayong nangapa kung paano ba talaga mapipigilan ang sexual crimes laban sa mga bata gamit ang ICT at digital world. Nakakadismaya noon dahil tila wala tayong magawa maski sa mga online sex crimes na mga magulang mismo ang may gawa kapalit ang pera,” sabi ni Undersecretary Ejercito Estrada.
“Sa lawak ng World Wide Web, matagal ding nagtago ang mga online sex offenders at sinamantala nila ang kahinaan ng ating mga kabataan. Ngayon, matutukoy na natin sila, maipapa-kulong habang-buhay at hindi natin sila papatawarin sa kanilang krimen,” paliwanang niya.
Sa ilalim ng OSAEC and CSAEM Act, anomang akto, pagsubok o pagtulong sa pagsasagawa ng online child sex – mapa-online, pisikal o kombinasyon nito – ay mapa-parusahan. Ang “sexscams” at paghikayat sa isang bata na maging bahagi nito ay krimen na rin kahit may pahintulot ng bata.
Ginawa na ring responsable ang mga Internet platforms at intermediaries, ang mga subscribers nito, mga payment platforms at mga indibidwal na nagpapasa o nagsha-share ng mga online materials na may child sex.
“Nakakagaan at luwag ng dibdib ang naisa-batas na parusa ng online child sex. Sa higpit ng mga ito, may pag-asa tayo na mapigilan ang online child sex at masi-siguro natin na ang digital world ay mas ligtas para sa ating mga kabataan,” dagdag ni Usec. Ejercito Estrada.
Sa panibagong batas, ang online sex offenders ay mapaparusahan ng pagkakakulong mula 12 taon hanggang habang-buhay at pagbabayarin mula P100,000 hanggang P20 milyon.
“Bukod sa pagpigil at pagpaparusa ng online child sex, layon din ng R.A. 11930 na magkaroon ng one-Government approach kasama ang iba’t-ibang ahensya ng Gobyerno upang matulungan ang mga batang biktima na maka-recover physically, psychologically at socially. Gusto natin silang bigyan ng aruga at pagmamahal na sa una pa lang ay pinagkait na sa kanila,” sambit pa ng opisyal.
“Ang kampanya laban sa online child sex at paglaganap ng mga online materials nito ay responsibilidad ng bawat isa. Bawat isa sa atin ay may responsibilidad na protektahan ang ating mga kabataan, tulungan ang mga biktima na maka-recover, at bigyan sila ng oportunidad na mamuhay ng may dangal at may pag-asa,” diin pa ni Estrada. (Dindo Matining)
The post Usec. Estrada binalaan mga online sex offender first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento