Dapat na umanong itaas ang halaga ng ayuda na ibinibigay sa mga Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) beneficiary batay sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS).
Sa isinagawang pagdinig ng House Committee on Poverty Alleviation, sinabi ni AGRI party-list Rep. Wilbert Lee na batay sa pag-aaral ng PIDS ay kulang na ang ayuda na ibinibigay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga 4Ps beneficiaries.
Batay sa April 2023 report ng PIDS, sinabi ni Lee na ang buwanang health grant ay dapat itaas sa P906 mula sa P750. Ang educational allowance naman ng estudyante sa daycare o elementarya ay itaas sa P362 mula sa P300 samantalang ang allowance ng estudyante sa junior high school ay dapat gawing P604 mula sa P500, at ang nasa senior high school ay itaas sa P846 mula sa P700.
Iminungkahi ni Lee na irekomenda na ng National Advisory Council (NAC) at DSWD ang pagtataas sa 4Ps cash aid sa halip na hintayin pa ang Kongreso na magpasa ng batas para sa pagtataas nito.
“Pwedeng abutin pa ng 2025 bago maramdaman ng mga beneficiaries ang tulong kung hihintayin pa nating maipasa ang mga nakasalang ngayon na panukalang batas sa pagtataas ng 4Ps cash grants,” sabi ni Lee sa pagdinig.
Mayroong 4.4 milyong pamilyang benepisyaryo sa ilalim ng 4Ps.
Ayon sa 4Ps Act (RA 11310), ang PIDS ang magrerekomenda sa NAC ng pagtataas ng cash grant. Ang pagtataas ay ibabatay sa consumer price index na tutukuyin ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Sinabi ni Lee na batay sa pag-aaral ng PIDS, ang halaga ng maximum na P31,200 na matatanggap ng isang pamilya sa loob ng isang taon ay bumaba na ng mahigit kalahati dahil sa pagtataas ng presyo ng mga bilihin.
“Malinaw na kulang na kulang ang natatanggap ng 4Ps beneficiaries. At nakasaad sa batas na dapat siguruhin ng NAC na sapat ang cash grant lalo na kung may rekomendasyon na galing sa PIDS. Kaya ‘wag na tayong magpaliguy-ligoy pa. Dagdagan na ito, now na! Napakalaking kasalanan sa mga kababayan nating kumakalam ang sikmura at walang maipabaon sa mga anak sa paaralan kung patatagalin pa ito,” sabi ni Lee.
Inirekomenda ni Lee na isama sa gagawing amyenda sa RA 11310 ang pagsasagawa ng pag-aaral kung sapat pa ang cash aid tuwing dalawa o tatlong taon sa halip na anim na taon. (Billy Begas)
See Related Stories Here:
4Ps beneficiary, nanguna sa Civil Engineering Licensure Exams
4Ps beneficiaries tuturuang kumita
The post 4Ps ayuda kulang na sa mahal ng bilihin, pinatataasan first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento