Hiniling ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang tulong ng Department of Education (DepEd) at Non-Government Organizations (NGOs) para matutukan ang kapakanan ng mga batang nasa evacuation centers sa Albay na naapektuhan ng pag-aalburuto ng Bulkang Mayon.
Sa situation briefing sa Legazpi City nitong Miyerkoles, sinabi ng Pangulo na napansin niya ang maraming bata sa binisitang evacuation center na walang ginagawa at nangangambang baka magkasakit ang mga ito.
Dapat aniya ay may pagkaabalahan ang mga batang bakwit dahil may epekto sa mental na aspeto ang walang ginagawa at nasa evacuation centers lamang ang mga ito.
“Yung mga bata kailangan marami silang interesting na nakikita o ginagawa, hindi puwede na naiiwan lang dun. There is a mental health aspect to that na hindi nagin dapat kalimutan,” saad ng Pangulo.
Sinabi ng Pangulo na kailangan ang tulong ng local government units para maalagaan ang mga batang bakwit, lalo na yung mga hindi pa nag-aaral.
Para naman sa mga apektadong mga estudyante, sinabi ng Pangulo na kailangang gumawa ng hakbang ang DepEd para makapagpatuloy ng pag-aaral ang mga ito kahit nasa evacuation centers.
Sayang aniya ang tatlong buwan kung maiiwanan ang mga mag-aaral na nasa evacuation centers dahil hindi pa tapos ang school year.
“May pasok ngayon so we have to think hard about what do we do about the schooling of the children para naman hindi maiwanan, kasi three months parang you miss already the half of the year,” dagdag ng Pangulo.
Tinalakay din sa situation briefing ang isyu sa paggamit ng mga paaralan bilang evacuation centers na ayon sa Pangulo ay baka tumagal ng isa hanggang tatlong buwan.
Dapat aniyang pagplanuhan kung ano ang tamang gawin dahil mahirap magturo sa paaralan kung mayroong evacuees na nakikisilong sa mga pasilidad ng DepEd.
“What are we going to do because 1-3 months is a long time na ginagamit natin ang facilities ng DepEd. We move the evacuees at some point? We have to have a plan because the other kids have to go back to school,” wika ng Pangulo. (Aileen Taliping)
Parang scam: Limitasyon sa service credit pinatatanggal sa DepEd
Bro Eddie kinuwestyon DepEd: Gender fluidity, same sex union isinama sa draft curriculum
DepEd sa paglalagay ng aircon sa mga public school: ‘Napakarami pang dapat paggastusan’
The post DepEd, NGOs kinalampag para tutukan ang mga batang bakwit first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento