Dismayado si Senadora Risa Hontiveros sa pagbasura ng korte sa petition for bail ni dating Senador Leila de Lima.

“Nakakadismaya ang patuloy na pagkakulong ni Leila De Lima. Karapatan niya ang isang mabilis na paglilitis, gaya ng nakasaad sa ating Konstitusyon,” sabi ni Hontiveros sa isang statement.

“Hindi ko maiwasang isipin ang iba pang kaso diyan na kaagad nalutas, samantalang si Leila, na naglahad ng mga pang-aabuso ng drug war sa ilalim ng administrasyon ni Duterte, ay anim na taon nang nakapiit,” dagdag pa nya.

“Nananawagan ako ng agaran at malinaw na resolusyon tungkol dito. Itigil na ang kabulastugang ito. Tigilan na ang pagpapahirap kay Leila,” sambit pa niya.

Ayon pa kay Hontiveros, nakakabahala na mga pekeng testimonya mula sa mga drug lord ay nangingibabaw at pinakikinggan pa rin.

“Marami sa kanila, binawi na ang kanilang mga huwad na paratang laban kay Leila. Kaya mapapatanong ka na lang: Bakit naiipit pa rin siya sa kasong ito sa kabila ng kasinungalingan ng mga sinasabi nilang mga star witness?” saad ni Hontiveros.

Gaya sa nakaraang anim na taon, muling nanawagan ang senadora na “tigilan na ang kawalang-puso at walang kamatayang pagkakait ng katarungan kay Leila”.

“At sa aking mga kababayan, magtulungan tayong tiyakin na ang katarungan ay hindi lamang para sa kanilang mga makapangyarihan at mayaman. Sama-sama nating patunayan na sa Pilipinas, ang katarungan ay para sa lahat, at hindi lang gawa-gawa lamang,” saad pa ni Hontiveros. (Dindo Matining)

See Related Stories Here:

Risa Hontiveros ginunita ang International Women’s Day

Leila de Lima inabswelto ng Muntinlupa RTC 204 sa isa sa kaniyang drug cases

The post Hontiveros: Tigilan ang pagpapahirap kay Leila first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT