Mas dapat unahin ang pagkukumpleto sa evacuation plan ng mga Pinoy migrant workers sa Taiwan kaysa hirit ng U.S. na relokasyon sa Pilipinas ng Afghan refugees, ayon kay Senadora Imee Marcos.
Sabi ni Marcos, chairman ng Senate Committee on Foreign Relations, ang evacuation plan ang dapat na agarang targetin ng humanitarian at disaster response efforts ng bansa at ng U.S. sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement.
“Ang U.S. naghahanda na ng evacuation plan para sa mga Amerikano sa Taiwan, ganundin ang Indonesia para sa kanilang nasa 350,000 migrant workers,” sambit ni Marcos. “Tayo ba nakahanda na o nakikisimpatya lang?
Duda ng mambabatas sa sinabi ng Department of Foreign Affairs na mayroon nang naikasang komprehensibong evacuation plan para sa 150,000 Pinoy domestic workers, mga caregiver, mga factory employees at mga fishermen na nasa Taiwan sakaling simulan nang sakupin ng China ang itinuturing nitong renegade province o ayaw pasakop na lalawigan.
“Walang detalye, walang drill. Nakapokus ang military exercises sa paghihiganti, hindi sa pag-rescue,” saad ni Marcos.
“Kailangan natin ng kasagutan kung paano titipunin ang mga OFWs sa gitna ng malawakang pagkukumahog na makaalis sa Taiwan. Anong flight o ruta ng barko ang ligtas para malampasan ang anumang military blockade? Anong sasakyan ang gagamitin, saan sila dadaong, at gaano kadalas silang ipadadala para masigurong mabilis at ligtas na maililikas doon ang mga Pinoy?” tanong pa niya.
Diin ni Marcos, ang plano ng U.S. na relokasyon sa mga Afghan refugees sa ibang bansa gaya ng Pilipinas ay marapat lang na “hindi prayoridad sa atin.”
“Nagmadadali ang U.S. na bawasan ang kanilang backlog na mahigit sa 70,000 Afghans na humihingi ng special immigrant status noon pang August 2021, noong umatras na ang tropa ng mga Amerikano sa Afghanistan at palitan sila doon ng mga Taliban,” paliwanag ng mambabatas. (Dindo Matining)
See Related Stories Here:
Imee: Afghan refugees o American spies?
The post Imee: Evacuation plan para sa migrant workers sa Taiwan, malabo first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento