May posibilidad na iakyat sa Korte Suprema ang panukalang Maharlika Investment Fund dahil sa kawalan nito ng test of economic viability, ayon kay Senador Chiz Escudero.

Paliwanag ng senador, ang test of economic viability ay isang papel na magpapatunay na kikita ang lilikhaing Maharlika Investment Corporation o MIC.

Aniya, noong nilikha umano ang Saligang Batas noong 1987, maraming Government Owned and Controlled Corporation (GOCC) ang nalugi at binalikat ng taumbayan ang mga bayarin nito.

“Kaya isa sa mga requirement na inilagay nila na dapat may test of economic viability. Ibig sabihin hindi dapat malugi ang kumpanya, dapat kumbinsido tayo na hindi malugi ang kumpanya. Dokumento yan na dapat isumite sa Kongreso na dapat timbangin yan, dapat pag-aralan yan,” sabi ni Escudero sa panayam sa DZBB.

“Para sa akin yung business proposal hindi tumutugon dito. Dito ako tumututol pero ang gusto lang sana bigyan ng bala ang administrasyon, yung Office of Solicitor General para kapag may nag-kuwestiyon, maipagtatanggol niya na may basehan kugn saka-sakali.”

Pero ang problema, hindi umano malinaw ang pangangahulugan hinggil sa test of economic viability na maaaring mabigyang-linaw ng Korte Suprema.

Sabi ni Escudero ang Korte Suprema ang maaaring magpasya kung puwede pang ihabol ang test of economic viability para sa MIF.

“Magandang makita kung paano mapapagpasiyahan ‘yan ng Korte Suprema kung may mag-aakyat ng kaso,” dagdag pa niya.

Si Escudero ay isa sa tatlong senador na hindi bumoto sa pagpasa ng panukala sa Senado. Ang iba pa ay sina Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel at presidential sister Senadora Imee Marcos. (Dindo Matining)

See Related Stories:

Lagman malamig sa planong SC petition laban sa Maharlika Fund

Villar: Protektado ang pera ng taumbayan sa Maharlika fund

The post Maharlika fund dapat mapatunayang walang lugi – Escudero first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT