Pipirmahan agad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Maharlika Investment Fund bill bilang batas sa sandaling dumating ito sa MalacaƱang.

Ito ang inihayag ng Pangulo sa panayam ng media sa kaniya nitong Miyerkoles ng umaga matapos dumalo sa isang aktibidad sa Makati City.

Hindi naman sinagot ng Presidente kung masaya ba ito sa naipasang version ng Maharlika Investment Fund bill sa Kongreso kaya titingnan niya ito pagdating sa kaniyang tanggapan.

Pero sinabi ng Presidente na nakakasiguro siyang ang mga binago sa MIF ay mga probisyon na magsisiguro ng seguridad at kaligtasan ng pondo dahil sa agam-agam ng publiko.

“I will sign it as soon as I get it. Am I happy? well, that is the version that the House and the Senate has passed and we will certainly look into all of the changes that have been made,” saad ng Pangulo.

Binigyang-diin ng Presidente na ang susi para magtagumpay ang MIF ay nasa maayos na pangangasiwa rito kaya sisiguruhin nila na magiging independent ito mula sa gobyerno.

Isa aniya sa unang iminungkahi nito sa Kongreso ay alisin ang Presidente bilang bahagi ng Board, alisin ang Central Bank bilang Chairman at alisin ang Department of Finance dahil kailangang mag-operate ang MIF bilang independent fund.

Sinabi ni Pangulong Marcos Jr. na kung tiwali ang mangangasiwa sa investment fund ay mawawala aniya ang pera.

“The key to the success of any fund is the management. Kung corrupt ang ilagay mo diyan, corrupt talaga yan, mawawala yung pera. Kung mahusay ang ilalagay mo diyan, lalaki at lalaki yan at magagamit natin ang pondo na yan,” dagdag ng Pangulo.

Marami aniyang magagaling na financial managers na maaaring humawak sa MIF para magtagumpay ang layunin nito.

“What is the success rate? We have quite a few good money managers that we can call upon,” wika ng Pangulo. (Aileen Taliping)

See Related Story Here:

Maharlika Investment Fund bill nilagdaan na ni Zubiri

The post Maharlika Investment Fund agad pipirmahan ni PBBM pagdating sa Palasyo first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT