Unti-unting nararamdaman ang pagtaas ng sari-saring uri ng krimen sa bansa, na dati ay natigil sa ilalim ng Duterte administration.

Halos araw-araw ay may ulat ng rape at pagpatay, asasinasyon, pagnanakaw, panghahablot ng cellphone kahit sa mataong lugar, pati na ang pagiging aktibo ng budol-budol gang na ang binibiktima ay senior citizens.

Pamangkin pa umano ng dating Presidente ang nahablutan ng cellphone sa Recto Avenue sa Maynila na hindi naranasan noong nakaupo si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Nito lamang Linggo ng umaga ay may nabalitang babaeng kinatay at chinop-chop sa Antipolo City. Tila bumangon mula sa hukay ang mga berdugo at nagpipiyesta na naman sa paggawa ng krimen.

Wala na namang kinatatakutan ang mga kriminal at talamak din ang problema sa illegal na droga na dati ay halos takot na ang mga drug addict na gumamit at magbenta dahil alam ang kalalagyan kapag nahuli ang mga ito.

Sabi nga ng dating Pangulong Duterte: “I hate drugs” kaya naman kinatakutan ang kaniyang war on drugs na siyang nagiging ugat ng mga krimen.

Mahigit isang taon pa lamang na bumaba sa pwesto ang dating Pangulo pero balik na sa dating gawi ang mga kriminal at mga sindikato sa kanilang mga ginagawa.

At ang masaklap pa, maging ang ilang tiwaling alagad ng batas ay gumagawa na naman ng kalokohan at tila ba walang takot sa magiging katapat na parusa kapag nahuli.

Hindi ko nilalahat pero may mga bugok talaga sa gobyerno na tila ba hindi mabubuhay ng isang araw kung hindi makagawa ng kalokohan.

Halimbawa na lamang ang diskarte umano ng isang opisyal ng Philippine National Police at mga tauhan nito sa isang lungsod sa Central Luzon na inireklamo dahil sa pag-aresto ng ilang indibidwal ng wala namang dahilan at hindi naman kinasuhan pero ikinulong ang mga ito.

Mabuti na lamang mayroong nag-report sa Kampo Crame kaya binulaga ang mga ito sa kanilang presinto at totoo ngang may mga nakakulong pero walang kaso. Di umano, naghihintay ng areglo para sila mapakawalan.

Pera pera na umano ang diskarte ng mga bugok na ito pero mabuti na lamang at nahuli sa kanilang ginawa.

Bakit tila nawala na ang kamay na bakal na dati ay ipinatupad ng dating administrasyon? O sadya lang bang sakit na ito o bisyo na mahirap alisin sa sistema?

Nakakahiyang kapwa pulis ang magdidisarma at aaresto sa kabaro dahil sa kalokohan.

Matagal ng ginagawa ang ‘hulidap’ at natigil lang ito sa dating administrasyon dahil mayroong matigas na lider na kayang suhetoin ang mga ito.

At ang mga kriminal kapag nasasakote ay mistulang basang sisiw at walang bukambibig kundi nagawa lamang ang krimen dahil gipit sa kahirapan o kaya naman ay hindi alam ang ginawa dahil lango sa illegal na droga.

Bilang ordinaryong mamamayan, hindi maiwasang matakot dahil tila bumabalik na naman ang bangungot at kaba na baka may masamang mangyari kapag inabot ng dilim sa kalsada.

Ang mga alagad ng batas at mga taong gobyerno ang inaasahan ng mamamayan na magbibigay ng proteksyon sa kanila laban sa mga masasamang elemento kaya sana naman ay dagdagan ang mga hakbang para masiguro ang kaligtasan ng sambayanan. (Aileen Taliping)

KW: Kriminal

SEO Title: Mga Kriminal Piyesta Na Naman

The post Mga kriminal piyesta na naman first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT