Nakikipagsabayan ang mga pantalan sa Pilipinas sa ibang mga bansa sa Timog Silangang Asya.
Sa pinakabagong port strategy report na inilabas ng Drewry Maritime Research, natatanging ang Port of Manila ang nakapagtala ng double-digit na paglago kumpara sa malalaking daungan sa Southeast Asia.
Isa sa mga paraan upang masukat kung gaano kaepektibo ang mga pantalan ay sa pamamagitan ng Twenty-foot Equivalent Unit (TEU), na kapareho ng ginagamit upang malaman ang kapasidad ng kargamento para sa mga container ship at terminal.
Noong 2022, lumobo sa kabuuang 5,474,484 TEU ang napamahalaan ng Port of Manila, na sampung porsiyentong paglago kumpara sa 4,976,014 TEU noong 2021.
Dahil dito, rumanggo na pampito ang Port of Manila bilang pinakaabalang gateway port sa Southeast Asia.
Pang-anim naman ang Port of Manila pagdating sa gateway volumes matapos makapagtala ng 3,962,111 TEU noong 2022 kumpara sa 3,580,642 TEU noong 2021 o nakitaan ng 10.7 percent na pagtaas.
Sa kabilang banda, nagpakita rin ng malaking pagsulong ang mga daungan sa timog tulad ng Port of Cebu at Port of Davao.
Nasa ika-13 ranggo ang Port of Cebu dahil sa 2.5 percent year-on-year increase matapos makapag-handle ng 937,052 TEU noong 2022 mula sa 914,111 TEU noong 2021.
Gayundin ang Port of Davao na lumanding sa ika-15 spot sa 0.1 percent na paglago matapos mapamahalaan ang 824,898 TEU noong 2022 mula sa 824,343 TEU ng 2021.
Hindi rin nagpahuli ang Manila International Container Terminal (MICT) pagdating naman sa mga terminal.
Pumangatlo ang MICT sa malalaking pantalan sa Timog Silangang Asya – hindi kasama ang transshipment at domestic volumes.
Napamahalaan ng pinakamalaking international gateway sa Pilipinas ang 2,508,119 TEU noong 2021, sa likod lamang ng Westport Kelang Multi Terminal sa Malaysia at Saigon NewPort – Cat Lai Terminal sa Vietnam.
Nasungkit ng MICT ang ika-11 puwesto mula sa 20 nangungunang mga terminal sa rehiyon habang ika-19 ang Manila NorthPort.
Ani Philippine Ports Authority (PPA) General Manager Jay Santiago, ang tagumpay na ito ay produkto ng commitment, pagsisikap at transparency upang lumikha ng higit pang mga port infrastructure na katumbas ng pandaigdigang kalakalan.
Dagdag niya, ang mga lumabas na datos noong nakaraang taon ay patunay na ang mga pantalan sa Pilipinas ay isa sa mga nangungunang daungan sa Timog Silangang Asya.
Dagdag pa niya, ang datos na ito ay hindi lamang pag-unlad ng mga daungan ng Pilipinas sa ranggo sa Southeast Asia kundi maaaring makapag-ambag din sa ekonomiya, kabilang ang transportasyon, logistics, manufacturing at pagbuo ng mga oportunidad sa trabaho. (IS)
The post Mga pantalan sa Pilipinas sakalam sa Southeast Asia first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento