Gagastos ang gobyerno ng P53 bilyon ngayong taon para tulungan ang mga mahihirap na estudyante na nag-aaral sa pribadong high school dahil walang mapasukan o puno na ang mga public school.
Ang pondo ay nakalagay sa Senior High School Voucher Program (SHSVP), P39.3 bilyon; Junior High School Educational Service Contracting Program (JHSESC), P12.5 bilyon; at Joint Delivery Voucher Program (JDVP), P1.4 bilyon.
Ayon kay Quezon City Rep. Marvin Rillo, miyembro ng House Committee on Appropriations, ang mga tuition subsidy program na nabanggit ay bahagi ng Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (GASTPE).
“The P53 billion is nearly double the P28 billion budget for GASTPE in 2022,” sabi ni Rillo. “We, in Congress, are absolutely determined to help keep more students in school through GASTPE and other initiatives.”
Ang Department of Education (DepEd) at Private Education Assistance Committee ang nangangasiwa sa SHSVP at JHSESC. Ang JDVP ay nasa ilalim naman ng DepEd lamang.
Sa ilalim ng SHSVP, ang mga kuwalipikadong Grade 10 completer ay binibigyan ng subsidiya sa matrikula para sa Grade 11 at 12.
Ang JHSESC ay subsidiya naman para sa mga elementary school graduate na mag-aaral ng Grade 7 hanggang 10 sa pribadong paaralan.
Ang JDVP ay para naman sa mga senior high school student na kukuha ng technical-vocational-livelihood track sa pribadong eskwelahan.
Sinabi ni Rillo na makatutulong ang pondo ng GASPE sa mga eskuwelahan na may problemang pinansyal dulot ng COVID-19 pandemic.
Itinutulak din ni Rillo ang pagsasabatas ng “no permit, no exam” school policy upang maiwasan ang diskriminasyon sa mga estudyanteng wala pang pambayad ng matrikula. (Billy Begas)
See Related Story Here:
Pagbibigay ng student, senior, PWD discount sa LRT pinatitiyak
The post P53B subsidy inilaan para sa mga private high school student first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento