Sinampolan ng Supreme Court (SC) si Larry Gadon matapos itong i-disbar dahil sa viral video nito na pinagmumura at binastos ang isang journalist.

Batay sa inilabas na pahayag ng Korte Suprema, nakakuha ng unanimous vote na 15-0 si Gadon mula sa Supreme Court En Banc para matanggal ang kanyang pagkaabogado.

Nilarawan ng korte na ang video ni Gadon na kumalat sa social media ay “indisputably scandalous that it discredits the legal profession.”

Sa naturang video, maririnig na pinagmumura at sinabihan pa ni Gadon ang journalist na magpagalaw umano sa aso.

Ayon pa sa SC, nilabag ng abogado ang Code of Professional Responsibility and Accountability, na naglalayong panatilihin ang respeto at dignidad ng mga abogado.

Pinunto rin ng korte na dati nang nasuspende si Gadon sa law practice dahil din sa kanyang mapanakit na mga salita.

May anim pang administrative case laban kay Gadon na nakabinbin sa Office of the Bar, apat na kaso naman ang nasa Integrated Bar of the Philippines.

“Although these cases have yet to be decided, the volume of administrative complaints filed against Atty. Gadon indubitably speaks of his character,” lahad ng SC.

Maghahain naman ng motion for reconsideration si Gadon dahil masyado umanong mabigat ang parusa laban sa kanya. (RP)

See Related Story Here:

Gadon nalaman sa reliable sources na dinisbar siya ng SC

The post Palamura kasi! Larry Gadon hinubaran sa pagka-abogado first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT