Umapela si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa publiko na suportahan ang mga pagsisikap ng gobyerno para hindi na bumalik sa dinanas sa krisis ng COVID-19 sa pamamagitan ng pagsuporta sa vaccine roll out ng bivalent vaccines.

Sa kaniyang talumpati sa launching ng bivalent vaccine sa Philippine Heart Center sa Quezon City, binigyang-diin ng Pangulo ang importansya ng bakuna para makasiguro ng proteksyon laban sa COVID-19.

Sinabi ng Pangulo na bagama’t humupa na ang pandemya, hindi pa rin tuluyang nawawala ang COVID-19 na maaaring magdulot ng peligro sa kalusugan ng mga matatanda at mayroong mga maselang karamdaman at maaaring madamay ang kanilang pamilya.

“Let this occasion serve as a call to every Filipino to continue doing your part, get updated on your Covid-19 vaccination, to prevent the resurgence. Thus, I appeal to everyone especially those who have yet to receive their primary series of vaccinations to get vaccinated against Covid-19. This is not for your own good alone but also for the protection of your families and the general public,” saad ng Pangulo.

Libre aniya ang bivalent vaccines kaya dapat na samantalahin ito ng publiko para makasiguro ng dagdag na proteksyon laban sa COVID virus.

Umaasa ang Pangulo na lalo pang paigtingin ng bagong liderato ng Department of Health (DOH) ang pagsusulong ng mga hakbang para sa proteksyon ng mga Pilipino laban sa mga sakit na banta sa kalusugan.

“Government assisted vaccines including bivalent doses are free for every Filipino. So under the leadership of our newly appointed DOH secretary, I expect that the DOH will continue to fortify its efforts to protect Filipino public against all health risks,” dagdag ng Pangulo.

Malaking bentahe aniya na hindi nagkakasakit ang mga Pilipino para makapaghanap-buhay at makabalik sa normal na ginagawa tulad ng dating ginagawa bago dumating ang pandemya.

“Magpabakuna na po kayong lahat. Magpabakuna po tayo para hindi na tayo magkasakit, makabalik na tayo sa tarbaho ng mas mabilis at lahat ng nais nating gawin ay magagawa natin dahil tayo ay ligtas sa sakit,” wika ng Pangulo. (Aileen Taliping)

See Related Story Here:

Roll-out ng bivalent vaccine sinaksihan ni PBBM

The post PBBM umapela sa publiko na ipagpatuloy ang pagbabakuna laban sa COVID-19 first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT