Maituturing na pagsabog na ang nangyayari sa Bulkang Mayon, ayon kay Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) chief Dr. Teresito Bacolcol.
Wika ni Bacolcol, maituturing nang nasa eruptive stage ang Mayon ngunit hindi pa ito maituturing na delikado sa mga residente na malapit sa bulkan.
“Ito eruption na talaga ‘to kasi, pero it’s not hazardous kasi ang eruption nasa summit lang sa bunganga,” lahad ng Phivolcs director.
Nakiusap na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga malalapit sa Bulkang Mayon na mag-evacuate na para sa kanilang kaligtasan.
“Sa pagsasailalim sa probinsya ng Albay sa state of calamity dahil sa pag-aalburoto ng Bulkang Mayon, pinapaalalahanan ang ating mga kababayang Bikolano na sumunod lamang sa mga rekomendasyon at evacuation instructions ng inyong lokal na pamahalaan upang masiguro ang kaligtasan ng bawat isa,” lahad ni Marcos.
Naghanda na rin ang Department of Social Welfare and Development ng P114 million para sa quick response fund sa kanilang central office.
Ready na rin ang 179,000 na family food pack sa mga maaapektuhang pamilya ng pag-erupt ng Mayon.
Sa ngayon ay nasa ilalim pa rin ng Alert Level 3 ang bulkan. (RP)
The post Phivolcs: Bulkang Mayon nag-erupt na first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento