Nagkasundo ang Pilipinas at Israel na palakasin ang partnership sa agrikultura at water management pati na sa pagtatatag ng direct flights sa dalawang bansa.

Ito ay matapos ang pulong nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Israeli Foreign Minister Eli Cohen sa Malacañang.

Sa ginanap na pulong, sinabi ni Cohen na bukas ang kaniyang bansa na makipagtulungan sa Pilipinas sa agrikultura para masiguro ang food security.

Iminungkahi ni Cohen sa Presidente na magbukas ng agricultural hub para maisulong ang inisyatiba.

“I think that we can work together on the segment of agriculture. Sixty percent of our land is desert, but we were able to provide all out water needs. We can work together,” wika ni Cohen.

Malawak aniya ang karanasan ng Israel sa water management dahil naging hamon sa kanilang bansa ang limitadong supply ng tubig na napagtagumpayan nilang lutasin.

Sinabi ni Cohen kay Pangulong Marcos Jr. na maaari silang magpadala ng kanilang eksperto sa Pilipinas para magbigay ng payo sa usapin water management.

Ikinalugod naman ng Presidente ang alok ni Cohen at malugod nitong tinanggap.

“The offers that you make for assistance and partnership in those areas are very, very welcome,” saad ng Pangulo.

Kaugnay naman sa isyu ng direct flights sa Pilipinas at Israel, sinabi ni Cohen sa Pangulo na inaasahang makakapagpalakas ito sa turismo at ekonomiya ng dalawang bansa. (Aileen Taliping)

See Related Stories Here:

Matapos ang 56 taon: Israel foreign minister bumisita sa Pilipinas

Robin sumali sa medical marijuana conference sa Israel

The post ‘Pinas, Israel magtutulungan sa agrikultura, water management first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT