Kumpiyansa si Senador Win Gatchalian na may potensiyal na mapalakas ang reputasyon ng Pilipinas bilang isang shopping destination kung maipapatupad ang batas para sa value added tax (VAT) refund sa mga dayuhang turista.
“Actually hindi tayo kilala bilang shopping destination. Ang Pilipinas kilala tayo sa beach, diving spots pero hindi tayo kilala bilang shopping haven. So yan ang isang bagay na dapat mabigyan din natin ng pansin dahil yan dagdag kita sa ating lahat,” sabi ni Gatchalian sa panayam sa DWIZ.
“Gusto naming bigyang emphasis ang mga local products natin dapat makinabang din sila sa mga magsashopping mga local products natin,” dagdag niya.
Nauna nang sinabi ng mga economic manager ng pamahalaan magkakaroon ng dagdag na P8.6 bilyon hanggang P12.8 bilyon sa Gross Domestic Product (GDP) taon-taon umpisa sa 2024 hanggang 2028.
Kumpiyansa din ang mga mambabatas na sa pagpapatupad ng panukalang ito, makikilala pa nang husto ang mga produktong gawang Pinoy.
“Ako naniniwala ako na kapag ginawa natin ito maraming turistang maaakit. Dapat ang produkto natin kaakit akit din. Yung quality, presentation, packaging para matake advantage natin itong pagbili ng mga turista,” ani Gatchalian.
“Ang gusto naming ilagay sa batas na bigyang pansin ang local products. Hindi lang siguro dapat yung high end goods, bigyan natin ng pansin ang mga local products natin,” sambit pa niya.
Sabi pa ni Gatchalian, ang Pilipinas na lang ang tanging bansa sa Southeast Asia na walang VAT refund para sa mga dayuhang turista.
“Natuklasan din namin na tayo na lang dito sa Southeast Asia ang walang VAT refund among middle tier country so kung ikukumpara natin ang sarili natin sa Thailand, Indonesia, Malaysia lahat sila meron na,” ani Gatchalian.
“Kung ang isang turista pipili kung saan sila pupunta doon na sila sa may VAT refund kasi makakakuha sila ng discount sa kanilang pamimili,” dagdag pa ng senador. (Dindo Matining)
See Related Stories Here:
JV Ejercito, Win Gatchalian kumbinsido cyberattack posibleng dahilan ng aberya sa NAIA
The post Turismo mas lalakas sa VAT refund para sa mga turistang foreigner – Gatchalian first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento