Naluha si Makati Mayor Abby Binay sa desisyon ng Korte Suprema na tuluyan nang ilipat ang 10 barangay sa kanilang lungsod bilang teritoryo ng Taguig.

Sa statement ni Binay, sinabi niya na bagama’t iginagalang niya ang desisyon ng Korte Suprema, hindi pa rin niya maiwasang mabahala sa kahihinatnan ng 300,000 Makatizen na maaapektuhan sa nangyaring paglipat sa Taguig.

“Iisang bagay lang ang bumabahala sa akin, ang kapakanan ng Makatizen sa second district,” wika ni Binay.

“Masakit lalo na sa akin ang mahiwalay sa higit 300,000 Makatizens na sa mahabang panahon ay kasama natin sa pagbangon at pag-unlad ng Makati,” saad pa ng alkalde.

Isa pa sa ikinabahala ni Binay ay ang serbisyo sa University of Makati at Ospital ng Makati, lalo’t kasama ito sa barangay na magiging teritoryo na ng Taguig.

Ang UMak ay nasa West Rembo habang ang OsMak naman ay nasa Pembo, na parehong nasa second district ng Makati na malilipat na sa Taguig.

“Para akong nawalan ng mga anak, magulang, lolo at lola. Sila ang inaaruga at inaalagaan ko simula’t simula,” wika ni Binay.

Samantala, sinabi ni Binay na hahanap ang local government ng Makati para maituloy ang pagtulong sa mga residenteng naapektuhan ng paglipat ng teritoryo.

“Sa mga Makatizen sa second district, kahit na nakatali ang aking mga kamay, bilang inyong mayora ay handa akong ipagpatuloy ang paglilingkod sa inyo,” wika ni Binay.

“Saan man kayo mapunta, kayo ay mananatiling mga Makatizen,” aniya pa. (RP)

See Related Story Here:

Abby Binay nasungkit pagiging alkalde

The post Abby Binay emosyonal sa paglipat ng 10 Makati barangay sa Taguig first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT