Isinusulong ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada ang isang panukala na gawing iligal ang diskriminasyon sa pamamasukan sa trabaho ng mga miyembro ng mga grupong katutubo.

“Ang pigilan ang sinuman ng tao na mamasukan sa trabaho dahil sa kaniyang relihiyon o ethnic origin ay hindi katanggap-tanggap. Hindi dapat maging batayan sa pagbibigay o pamamasukan sa trabaho ang pagkakabilang sa pangkat ng mga katutubo o pagkakaroon ng ethnic origin,” sabi ni Estrada sa paghahain ng kanyang Senate Bill No. 1026.

Bukod sa pagtiyak ng pantay na oportunidad sa trabaho sa mga miyembro ng indigenous cultural communities, sinabi ng chairperson ng Senate Committee on Labor Employment and Human Resource Development na layon din ng kanyang panukalang batas na iangat mula sa kahirapan at tugunan ang hindi pantay na trato na kinakaharap ng mga katutubo.

Sa isang ulat na inilabas ng International Labor Organization (ILO) noong 2020, lumabas na ang mga katutubo ay tatlong antas na mas hirap sa pamumuhay kaysa sa mga hindi napapabilang sa kanilang komunidad.

Upang matiyak ang pantay na oportunidad sa trabaho ng mga indigenous people, iminungkahi ni Estrada na bigyan prayoridad sa trabaho ang mga katutubo sa mga lugar kung saan karamihan sa kanila ay namumuhay o namamalagi.

Magiging labag sa batas para sa mga employer na tanggihan sila o i-discriminate sila sa mga usapin tungkol sa suweldo, kondisyon sa trabaho at promosyon o gamitin itong katwiran upang tanggalin sila, aniya.

Sa ilalim ng SB 1026, ipinagbabawal sa mga unyon ng manggagawa o pederasyon na ibukod o paalisin sa pagiging miyembro ang sinuman dahil sa kanilang relihiyon o ethnic origin, maliban na lang kung ang relihiyon o ethnic origin ay maka-aapekto sa pagpapatakbo ng Negosyo.

Dapat ding igalang ng bawat employer ang karapatan ng empleyado na aktibong lumahok sa mga gawaing panrelihiyon o may kinalaman sa kanilang kinabibilangang katutubong komunidad.

Sa mga lugar kung saan mayorya sa mga namumuhay ay mga katutubo, iminungkahi ni Estrada na kailangang hindi bababa sa 10% ng mga rank-and-file na posisyon sa gobyerno ay nakalaan para sa kanila basta ito ay naaayon sa mga umiiral na civil service laws.

Papatawan ng multa na aabot sa P500,000 o pagkakakulong na hindi hihigit sa anim na taon ang sinuman na lalabag sa batas. (Dindo Matining)

See Related Story Here:

Jinggoy nanggigil sa drag queen na gumamit ng ‘Ama Namin’

The post Batas laban sa diskriminasyon sa mga katutubo itinutulak ni Jinggoy first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT