Malaya na sa pagkakautang ang mga magsasakang benepisyaryo ng agraryong pansakahan.

Ito ay matapos lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act no. 11953 o ang New Agrarian Emancipation Act na magbubura sa lahat ng hindi nabayarang amortisasyon ng principal na utang, kabilang na ang interes, mga multa na pasanin ng agrarian reform beneficiaries.

Sa kaniyang talumpati, sinabi ng Pangulo na panahon na para makalaya ang mga magsasaka sa pagkakautang at makapamuhay ng araw-araw na wala ng iniisip na alalahanin sa kanilang mga obligasyon sa gobyerno.

“Panahon na para makalaya sila sa pagkakautang na ito.Panahon na upang ang ating mga magsasaka— na silang nagpapakahirap araw-araw upang lagyan ng pagkain ang mga hapag-kainan ng ating mga tahanan—ay mabigyan ng atensyon at pagpupugay na akma sa kanilang kontribusyon sa ating bayan,” saad ng Pangulo.

Hinikayat ng Presidente ang mga benepisyaryo na patuloy na alagaan at payabungin ang kanilang mga sakahan lalo na ngayong wala ng sagabal pa sa kanilang pagtatanim.

Siniguro ng Pangulo na tuloy ang suporta ng gobyerno sa mga benepisyaryo upang makabangon at umunlad at makatulong para masiguro ang sapat na pagkain ng mamamayan.

“Tutulungan at susuportahan namin kayo sa inyong bawat hakbang upang kayo ay umunlad, magtagumpay, at makatulong sa pagbibigay ng sapat at masustansyang pagkain sa ating mga mamamayan,” dagdag ng Pangulo.

Ang bagong batas ay pakikinabangan ng 610,054 agrarian reform beneficiaries na nagsaka ng 1.173 milyong ektarya ng lupa.

Batay sa umiiral na batas sa repormang agraryo kailangang magbayad ang mga benepisyaryo para sa lupang ipinagkaloob sa kanila na huhulugan kada taon na may 6% na interes sa loob ng 30 taon.

Kabuuang P57.56 billion ang hindi pa nababayarang mga prinsipal na utang ang buburahin ng batas at magpapalaya sa alalahanin at obligasyon ng agrarian reform beneficiaries.

Awtomatikong isasama sa registry system for basic sectors in agriculture (RSBA) ang mga agrarian reform beneficiaries kung saan bibigyan sila ng mga angkop na suporta ng gobyerno.

Sa ilalim ng bagong batas, aakuin din ng gobyerno ang obligasyon ng mahigit sampung libong agrarian reform beneficiaries na nagbubungkal ng lupa sa ilalim ng Voluntary Land Transfer o ang Direct Payment Scheme na nagkakahalaga ng P207,247 million.

Ang New Agrarian Reform Emancipation Act ay isa sa mga binanggit ng Pangulo mula sa kaniyang unang State of the Nation Address (SONA) noong July 2022. (Aileen Taliping)

See Related Story Here:

Mga magsasaka puwede pang magtanim ng palay hanggang Setyembre

The post Batas na magpapalaya sa pagkakautang ng mga magsasaka, pinirmahan na ni PBBM first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT