Naghain si Senador Jinggoy Ejercito Estrada ng isang panukala na naglalayong mabigyan ng magandang trabaho ang mga reformed drug users at magbibigay insentibo sa mga kumpanyang kumukuha sa kanila.

Sa ilalim ng Senate Bill 2276, iminumungkahi ni Estrada, na kilalang labor advocate, ang pagkakaroon ng kolaborasyon sa pagitan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at Department of Labor and Employment (DOLE) para makabuo ng TVET programa para sa mga rehabilitated drug dependents.

Ang TVET at mga programang pangkabuhayan ay tutuon sa pagbibigay sa mga reformed drug users ng kakayahang makipagkumpitensya na maaaring maging daan upang makahanap sila ng matatag na trabaho o makapagtaguyod sa pagkakaroon ng sariling negosyo.

“Sa pagbibigay ng mga insentibo sa mga establisyemento na kukuha ng mga rehabilitated drug dependents na sumailalim at nakapagtapos sa mga programang technical-vocational education and training (TVET) na partikular na idinisenyo para sa kanila, mabibigyan natin ng suporta ang kanilang reintegrasyon sa lipunan,” sabi ni Estrada sa panukala.

Layunin ng panukalang batas na ito na itatag ang mga programa at matiyak ang paglalaan ng pondo para patuloy ang pagpapatupad sa mga ito.

Mula pa noong 2016, nagbibigay na ng pagsasanay at livelihood scholarship sa mga dating drug dependents ang TESDA at noong taong 2021, nasa 94 porsyento o 8,200 mula sa kabuuang 8,700 na mga dating gumagamit ng iligal na droga ang nakapagtapos ng iba’t ibang kurso mula sa nasabing ahensya.

“Ito ay sapat na patunay ng kahandaan ng mga dating drug dependent na makapagbagong-buhay. Mahalagang mapanatili ang suporta na ibinibigay sa kanila at palawakin ang saklaw nito upang isama ang skills training at productivity enhancement na maghahanda sa kanila na maging self-reliant at kwalipikado para sa makabuluhang trabaho,” sabi ng chairperson ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development.

“Mapapabuti nito hindi lamang ang pinansiyal na kalagayan ng kanilang pamilya kundi makakatulong pa sa pag-unlad ng bansa,” dagdag pa ni Estrada. (Dindo Matining)

See Related Story Here:

Jinggoy sa DOH: Unahing i-hire ang mga nurse na bagong pasa sa board exam

The post Jinggoy: Mga dating adik bigyan ng maayos na trabaho first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT