Sabay-sabay na binuksan ngayong Lunes ang ‘Kadiwa ng Pangulo’ sa buong bansa para sa mas murang mga bilihin.

Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang sabay-sabay na grand launching ng Kadiwa ng Pangulo program sa kapitolyo ng Pampanga sa San Fernando City nitong Lunes ng umaga.

Kalahok sa aktibidad ang 81 lalawigan at 16 na local government unit sa National Capital Region (NCR).

Sa kanyang talumpati, sinabi ng Pangulo na sinimulan ang Kadiwa centers sa National Capital Region (NCR) hanggang sa dumami ito sa bawat lungsod, bayan at munisipalidad at marami ang humiling na sana ay magkaroon din ng Kadiwa center sa kanilang lugar.

Sa halip aniya na isa-isahin ay magbubukas na sa buong bansa upang maipaabot ang mas murang bilihin sa publiko.

“Ngayon para paramihin ang Kadiwa, ang kailangan natin ay paramihin ang produksiyon ng lahat ng commodities,” anang Pangulo.

Ang Kadiwa ng Pangulo center ay bukas kada 15 at 30 ng buwan kung saan maibebenta ng mga lokal na magsasaka ang kanilang produkto sa mababang presyo gaya ng bigas, isda, poultry products, gulay, prutas at iba pang mga bilihin.

Sinaksihan din ni Pangulong Marcos Jr. ang lagdaan ng memorandum of agreement (MOA) ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan kasama na ang local government unit sa bansa.

Kabilang sa mga pumirma sa MOA ay ang Department of Agriculture, Department of Trade and Industry, Department of Labor and Employment, Department of Labor and Employment, Department of Social Welfare and Development, DILG, Presidential Management Staff, at Presidential Communications Office .

Partner ng mga nabanggit na ahensiya ang LGU sa buong bansa. (Aileen Taliping)

See Related Story Here:

Kadiwa outlets hirap sa supply – PBBM

The post ‘Kadiwa ng Pangulo’ nilunsad na sa buong bansa first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT